Same sex civil union ‘di pwedeng ipilit na kilalanin ng simbahan-CBCP

Same sex civil union ‘di pwedeng ipilit na kilalanin ng simbahan-CBCP

August 12, 2022 @ 2:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagkomento ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ngayong Biyernes sa panukalang batas ni Senator Robinhood Padilla na naglalayong i-institutionalize ang same-sex union.

Giit ng CBCP na hindi maaaring pilitin ng Estado ang Simbahan na kilalanin ang isang bagay na labag sa paniniwala nito.

Sa interbyu sa GMA, sinabi ni CBCP Episcopal Commission on Public Affairs executive secretary Fr. Jerome Secillano na ang pagpilit sa Simbahan na gawin ito ay isang paglabag sa mga karapatan nito.

“Kailangan natin ano ba ang nilalaman ng panukala ni Senator Robin Padilla kasi possible naman na hindi naman talaga pinipilit na pati yung mga religious groups ay talagang i-honor yung ganyang panukala,” giit naman ni Secillano.

Matatandaang inihain ni Padilla ang Senate Bill 449 o ang panukalang Civil Unions Act, na naglalayong i-institutionalize ang civil union ng magkaparehas na kasarian.

“Magiging infirmity ‘yan. Ang ibig kong sabihin ng infirmity, maging violation yan ng religious right din. Ano ba ang karapatan ng isang relihiyon? Hindi ba siya puwedeng puwersahin ng Estado na gumawa ng bagay-bagay na labag sa kanyang paniniwala,” paliwanag ni Secillano.

Ginawa ni Secillano ang pahayag nang tanungin kung ang mga sasailalim  sa same-sex civil union ay dapat umalis sa pananampalatayang Katoliko.

Sinabi ng opisyal ng CBCP na kahit na ang panukalang batas ay isa nang batas, hindi pa rin kayang kilalanin ng Simbahan ang same-sex union.

Tinanong tungkol sa mga bansang nagpapahintulot sa mga unyon ng parehong kasarian tulad ng Estados Unidos, sinabi ni Secillano na ang legalidad ay iba sa moralidad at idiniin ang paninindigan ng Simbahan na ang unyon ay dapat lamang sa pagitan ng lalaki at babae.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Senador Risa Hontiveros sa panukalang batas ni Padilla, at idinagdag na ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill ang pinakamahalagang hakbang na dapat ipasa upang wakasan ang diskriminasyon. RNT