Sampahan ng kaso ang mga nagmamanipula sa presyo ng bigas! – Sinag, bantay bigas

Sampahan ng kaso ang mga nagmamanipula sa presyo ng bigas! – Sinag, bantay bigas

July 25, 2018 @ 8:48 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Hinamon ng ilang grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na kasuhan at panagutin ang mga rice traders na nagsasagawa ng iligal na gawain gaya ng pagmamanipula sa presyo ng bigas.

Ayon sa ulat ng Pangulo sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address, binalaan niya ang mga rice hoarders at cartels, “stop messing with the people” sa pamamagitan ng pagkontrol sa presyo ng bigas.

Nauna rito, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na sinasamantala ng mga ito ang kaunting suplay ng bigas sa pamilihan, tumataas na presyo ng krudo at implementasyon ng bagong tax law.

Ito ay nagresulta ng nasa 10% na pagtaas ng kasalukuyang presyo ng bigas kumpara sa nakaraang taon.

“I now ask rice hoarders, cartels and their protectors, you know who you are. Stop messing with the people… Consider yourselves warned or the full power of the state will be upon you,” sabi ng Pangulo.

“The Philippines has always been a playground for scoundrels who do not consider the plight of others,” dagdag pa niya.

Ito ang nag-udyok sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) at Bantay Bigas para hamunin ang Pangulo para kasuhan ang mapapatunayang may sala.

“If the President knows who these rice traders and hoarders are, his directive to the concerned agencies should be to file appropriate charges if there is enough evidence,” sabi ni Sinag chair Rosendo So.

The President has been saying he knew the people manipulating the prices,” but at the end of the day, nothing has changed,” sabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo.

“There have been countless hearings in the Senate on rice hoarding and cartel, but no one has been jailed.”

Sa unang linggo ng July, nakita sa datos mula sa Philippine Statistics Authority na ang retail prices ng regular-milled at well-milled na bigas ngayon ay P41.07 at P44.69 kada kilo. Ito ay 8.77 percent at 6.84 percent na mas mataas kumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon.

Bukod pa rito, ang wholesale prices naman ng regular-milled at well-milled na biags ay umabot na sa P38.69 at P41.87 kada kilo, 9.98 percent at 7.52 percent na mas mataas kumpara noong nakaraang taon.

Dahil dito, nakiusap si Duterte sa mga mambabatas na bigyan ng priyoridad ang pagpapapasa ng Rice Tariffication Bill, nakikitang paraan ng Pangulo bilang “long-term solution to lowering rice prices.”

Naniniwala si Duterte na kapag naipatupad na ang  rice tariff system, ito ay magpapababa ng presyo ng bigas sa pamilihan ng nasa P7 per kilogram at magpapababa sa inflation, “significantly.” (Remate News Team)