SANA ‘DI DARATING ANG 13 METRONG BAHA

SANA ‘DI DARATING ANG 13 METRONG BAHA

October 15, 2022 @ 2:00 AM 2 months ago


TAG-ULAN ngayon sa bansang Nigeria at matatapos lang umano ito sa susunod na buwan.

Dahil dito, sa nagdaang mga araw lamang, umaabot na sa 500 daan ang namamatay at nasa 1.4 milyon na ang nasa hindi ligtas na mga lugar.

Lalo na sa estado ng Kogi na nagsasalubong ang buhos ng tubig-baha mula sa dalawang malalaking ilog na Niger River and Benue River.

Dahil sa siyam-siyam na ulan at pagbabawas ng tubig ng mga dam, umaabot sa mahigit 13 metro ang taas ng baha sa malawak na bahagi ng nasabing lugar.

LUBOG HANGGANG 4TH FLOOR

Imadyinin ninyo ang mahigit 13 metro o 42 piye.

Mas mataas pa ang baha kaysa pinagdugtong na haba ng bakal na binibili natin sa mga hardware, mga Bro.

Lubog hanggang bubong ng 4th floor ang iyong bahay kung susukatin ang bawat floor sa 10 piye.

Kaya naman, nawawalan ang halos isa at kalahating milyon Nigerian ng ligtas na lugar.

At ang rekord, mga Bro, nakaiiyak.

Nasa 45,249 bahay ang ganap na nasira,  76,168 ektaryang taniman ang bahagyang nasira habang nasa 70,566 ektarya ang ganap na nasira.

Nangangahulugan ito ng malawakang paghihirap na hindi lang gutom sa ilang araw kundi aabutin ng mga buwan.

HUMIHIYAW SA HIRAP

Kaya naman, humihiyaw na sa hirap at nananawagan na mismo ang mga mamamayan ng tulong hindi lang sa kanilang pamahalaan kundi maging sa mundo.

Whew!

Napakahirap isiping sa loob ng maraming araw sa lugar na nabanggit, eh, 13 metro ang taas ng baha.

Hindi lang bahay at taniman ang sira riyan kundi maging ang lahat ng iyong pundar.

Kung huhupa na ang tag-ulan sa susunod na buwan, anak ng tokwa, gaano katagal makarekober ang mga namatayan at nasiraan ng lahat ng pundar mula sa mga pananim hanggang sa mga tahanan, negosyo at iba pa?

PASASALAMAT?

Kung iisipin, napakalaking pasasalamat natin, bagama’t walang sayang nadarama, na hindi ganito sa ating bayan.

Ang totoo, batbat din ng kalamidad ang mahal nating Pinas mula sa mga baha kaya ang pasasalamat natin ay walang kasamang tuwa kundi taimtim na dasal na huwag sanang mangyari ito sa atin sa lahat ng panahon.

Pero paano nga kung mangyari sa mga darating na panahon lalo’t sinasabi ng ating mga matatanda na ngayong lang nag-uulan at nagbabaha sa atin “nang ganito” na hindi nila nasaksihan sa kanilang kabataan?

TULONG-TULONG VS KALAMIDAD

Ang pangunahing binibigyan ng pansin ay kung paano tayo magtulong-tulong sa mga panahon ng kalamidad.

Sa kakapusan ng pagkain, sa kawalan ng matitirhan, pagkasira ng lahat ng pinagkakakitaan at hirap ng muling pagpupundar hanggang sa maging normal muli ang buhay ng mga biktima.

Ngunit paano ang mga nakikitang dahilan ng mga malakihan, malawakan at matagalang pagbaha?

Paano tayo magtutulong-tulong upang maibalik sa kagubatan ang mga nakalbo nang mga lugar na madali o pinagmumulan ng mga baha?

Paano ang climate change na sinasabi nilang dahilan ng pagkasira ng timpla ng init at lamig sa kapaligiran nagkakandahetot-hetot ang panahon?