SANA NGA MAGBAGO NA ANG LAHAT

SANA NGA MAGBAGO NA ANG LAHAT

January 4, 2022 @ 7:10 PM 7 months ago


NAKAPASOK na ang bagong taon ng 2022 at sana nga ay magbago na ang lahat.

Ang kalagayan natin sa gitna ng pandemya, ang lagi nating prinoproblema kapag may kalamidad gaya ng malalakas na bagyo, ang ating mga pag-uugali sa kalsada bilang mga motorista kahit na mahigpit na ang batas trapiko.

Ilan lamang ‘yan sa mga nais natin na sana ay magbago rin gaya ng pagpapalit ng bagong taon.

‘Di ba nga usong-uso ang new year’s resolution kapag magpapalit na ang taon.

Pero kadalasan ang mga resolution na ito ay ‘di naman nating talagang nagagawa o kaya naman ay kinalilimutan  na sa pagtakbo ng panahon.

Mayroon akong kaibigang nakausap na matindi ang pananaw at mga naising magbago, na sa tingin ko nama’y hindi malayong mangyari.

Gaya ng sinabi niyang mga mauusong negosyo sa mga darating na panahon, nakabibigla at nakakakaba kung iisipin nating maigi.

Darating daw ang panahon na ang mga ‘auto shop’ ay magiging auto na lamang at wala nang shop. Nagtaka kayo di ba? Paanong mangyayari.

Ang sabi nitong aking magaling na kaibigan, ang mga auto repair shop ay buburahin na ng mga ‘electric cars. Kasi nga naman kung ang de gasolina o diesel na sasakyan ay may 20,000 piyesa, ang electric car ay 20 lamang.

Ang mga electric car daw kasi ay ibinebenta nang may ‘lifetime’ guarantee at kapag nasira ay kailangan lamang dalhin sa dealer kung saan aabutin ka lamang ng 10 minuto para mapalitan ang iyong electric motor o makina.

Kasunod na mawawala ay ang mga gas station, dahil sa paggamit ng electric cars ay kada kanto ay magkakaroon na ng mga de metrong magkakarga ng elektrisidad sa iyong sasakyan, parang mga charging station ba.

‘Di malayong mangyari dahil bumubuhos na ang pera o kapital saan man sa mundo para sa paggawa ng mga electric car.

Darating din ang panahon na maging coal industry ay mawawala na rin, kasama ang mga gasoline at oil companies.

Matitigil ang paghuhukay para makakuha ng langis sa pagdami ng electric cars. At maging ang OPEC ay maapektuhan at ang Middle East ay malalagay sa alanganin, dahil sino pa ang gagamit ng gas kung puro electric na ang mga sasakyan.

Ang mga bahay natin ay magiging katuwang na rin sa pag-iimbak ng elektrisidad sa pamamagitan ng solar power, makagagamit ka na ng elektrisidad nang libre babayaran ka pa sa sobra mong naipong elektrisidad.

Sa bilis ng panahon ang mga ‘yan ay ‘di malayong mangyari. Nasaksihan na natin ang pagkawala ng mga camera na gamit ay film pa. Ang kompanyang Kodak ay na-bankrupt sa pagpasok ng cellular phones di ba? Sana nga magbago na ang lahat.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!