Sandamakmak na langaw sa poultry farm sa Isabela, inireklamo

Sandamakmak na langaw sa poultry farm sa Isabela, inireklamo

September 27, 2020 @ 3:00 PM 4 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Isabela, Philippines – Ilang mamamayan sa Barangay Marabulig Uno, ang nagrereklamo dahil sa dami ng langaw na nagmumula sa isang poultry na pumupunta sa kanilang bahay sa Cauayan City.

Sinabi ni Ginang Jenelyn David, residente ng Purok 4, Marabulig Uno, Cauayan City, Isabela, malapit sa isang poultry, hindi na umano normal ang oras ng kanilang pagkain at nahihirapan na silang kumain sa dami ng langaw araw man at gabi na binubugaw na lamang nila para mawala at umalis ito.

Napag-alamang ang libong mga langaw ay nagmumula sa isang poultry farm na pagmamay-ari ni Ginoong Alex Ty at mahigit isang Linggo na silang nakararanas ng dami ng langaw na dumarapo sa kanilang mga pagkain, umaabot pa umano ng mahigit sa isang buwan ang itinatagal matapos ang pagha-harvest ng mga manok sa nasabing poultry farm.

Sinabi naman ng kapitbahay ni Ginang David, na si Juliebeth Deleona na sasandaling nagha-harvest na ng mga manok sa poultry, ay nagsasara na sila ng kanilang bahay at todo sarado na ang lahat ng kanilang mga bintana para maiwasan ang pagpasok ng libong langaw pero kahit papaano umano ay may nakapapasok sa dami ng mga ito.

Ayon pa sa mga kapitbahay, nararanasan pa nilang habang kumakain sila ay nasa loob sila ng kulambo kahit tanghaling tapat at habang natutulog sa araw ay nakakulambo pa rin sila.

Mula ng mag-harvest ng mga manok sa poultry farm, ay araw-araw ay nag-iispray sila na pamatay ng langaw kung saan ay marami ring namamatay subalit sandali lang umano ang itinatagal at ilang minuto lang ay marami pa ring langaw.

Nakarating na sa kaalaman ni Barangay Chairman Jaimie Partido, ng Barangay Marabulig Uno, ang naturang reklamo at inaksyunan naman nila ito dahil pinuntahan na ng kagawad ang may ari ng poultry upang ayusin ang problema. Jun C. Fuentes


  •  
  •  
  •  

Loading...