Sandra Cam, laya na

Sandra Cam, laya na

January 17, 2023 @ 3:47 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakalaya na si dating Philippine Charity Sweepstakes Office board member Sandra Cam mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center, ayon kay PNP PIO chief Police Colonel Red Maranan nitong Martes.

“Si Ms. Sandra Cam ay nakalaya na po nitong January 16… dahil po sa pagkadismiss po ng kanyang kinaharap na kaso. Siya po ay na-escortan na ng ating pulis papunta sa kanyang tirahan,” paglalahad ni Maranan.

Sinabi ni Maranan na pinalaya si Cam dakong alas-10:50 ng gabi nitong lunes, ilang oras, matapos silang ipawalang-sala ng kanyang anak na si Marco Martin Cam at lima pa ng Manila Regional Trial Court Branch 42, sa kasong murder hinggil sa pagpatay sa vice mayor ng Masbate noong 2019.

Pinalaya sina Cam at iba pa matapos pumalya ang prosekusyon na patunayan ang kanilang guilt beyond reasonable doubt.

Nagmula ang kaso sa pag-atake na pumatay kay vice mayor Charlie Yuson III at nag-iwang sugatan sa kanyang kasama na si Alberto Alforte IV habang nag-aagahan sa Sampaloc, Manila noong October 9, 2019.

Inihayag ni, PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. na ipinag-utos niya na i-escort si Cam at kanyang anak upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

“Para nang sa ganoon ay wala hong masamang mangyari sa kanila. Mahirap ho ‘yan. Baka biglang sa harap ng bahay nila ay may mangyaring masama ay kasalanan na naman po ng pulis,” giit ni Azurin. RNT/SA