Sanggol inilibing nang buhay ng magulang

Sanggol inilibing nang buhay ng magulang

August 26, 2022 @ 11:50 AM 1 month ago


NEGROS OCCIDENTAL- Posibleng maharap sa kasong Infanticide ang mag-asawa matapos ilibing ng buhay ang kanilang kapapanganak lamang na sanggol noong Linggo sa bayan ng Pulupandan.

Kinilala ang mag-live in partner na suspek na sina Cristel Haro, 22-anyos at Julius Caesar Valdevieso, 23, at kapwa residente sa Barangay Patic, ng nasabing bayan.

Ayon kay Police Captain Ryan Villasario, hepe ng Pulupandan Municipal Police Station, Linggo ng umaga nadiskubre ng sepulturero na buhay pa ang sanggol kaya ipinagbigay-alam niya ito sa mga awtoridad.

Agad na dinala ang sanggol sa ospital ang sanggol at inasikaso ito ni Dr. Joshua Vargas, ng Pulupandan Health Center.

Sinabi ni Vargas, na nakitaan na buhay ang bata dahil gumagalaw at may respiration. Subalit ang kulay ng bata ay halos nangingitim na at kulang sa oxygen.

Kinabukasan ng Lunes nalagutan ng hininga ang sanggol.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 6:45AM ng Linggo nanganak si Haro sa loob ng kanilang bahay, makalipas umano ang dalawang oras ay napansin nilang hindi gumagalaw ang sanggol kaya inakala ng mag-live-in na patay na ito.

Dinala nila sa public cemetery ang sanggol para ilibing ng mapansin sila ng sepulturero na naghuhukay at tinanong siya kung ano ang kanilang hinuhukay at sinabing ililibing lamang nila ang fetus na ibinalot sa plastic bag at inilagay sa karton.

Tatlong oras ang nakalipas narinig ng sepulturero ang iyak na sanggol mula sa nitso kung saan inilagay ang sanggol sa pag-aakalang fetus lamang ito.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung sinadya ng mag-live-in partner na ilaglag ang sanggol dahil mayroon pa silang 10-buwan sanggol na anak./Mary Anne Sapico