Sanggol na isinilang sa traysikel natagpuang patay sa tulay

Sanggol na isinilang sa traysikel natagpuang patay sa tulay

May 4, 2022 @ 9:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isang bagong silang na sanggol ang natagpuang patay sa isang tulay nang umano’y mahulog mula sa tricycle kung saan siya iniluwal nitong Martes ng hapon sa Malabon.

Ayon sa kaibigan ng ina ng sanggol, itinakbo ang buntis sa pagamutan dahil manganganak na ito ngunit sa biyahe ay hindi napansin na lumabas na ang bata at nalaglag sa Tinajeros Bridge sa nasabing lungsod.

Balisa naman ang driver ng sinakyang tricycle ng nanganak na si Wilfredo Macaraeg dahil sa nangyari at sinabing hindi niya alam na lumabas at nalaglag ang bata mula sa kanyang sasakyan.

Ayon pa sa kanya, wala pang 20 kph ang patakbo niya ng tricycle dahil inaalalayan umano niya ang paglabas ng bata.

Hindi pa malinaw kung patay na ang sanggol bago pa man ito malaglag sa tricycle dahil sa bahay pa lang umano ay lumalabas na ito, ngunit hindi raw kaya ng komadronang iluwal kaya’t pinapunta ang mag-ina sa pagamutan.

Nasa maayos nang kondisyon ang ina ng nasawing sanggol habang magsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya ng Malabon. Merly Iral