Sangkot na kompanya sa Bilibid tunnel mananagot sa DOJ

Sangkot na kompanya sa Bilibid tunnel mananagot sa DOJ

November 21, 2022 @ 1:13 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Balak magsampa ng reklamo ang Department of Justice laban sa kompanya na tumulong upang hukayin ang isang tunnel na matatagpuan sa loob mismo ng New Bilibid Prison.

Matatandaan na kamakailan ay sinabi ni Remulla na sinabihan umano siya ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na naghuhukay ito sa paghahanap ng Yamashita treasure.

“Kinukumpleto pa ho yung investigation report bago ho na gawin ang ganyang bagay,” sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa panayam ng TeleRadyo.

“Yan ho kasi, marami hong paglabag sa batas yan,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Remulla na nang magsabi si Bantag sa kanya tungkol sa paghuhukay ng Yamashita treasure ay pinatigil niya agad na gawin ito.

Aniya, sangkot sa paghuhukay nito ay ang Agua Tierra Oro Mina (ATOM) Development, ang kaparehong kompanya na kinuha ni Bantag sa real estate development project sa bisinidad ng Bilibid. RNT/JGC