Sanhi ng matinding pagbaha sa Maguindanao, ipinabubusisi sa Kamara

Sanhi ng matinding pagbaha sa Maguindanao, ipinabubusisi sa Kamara

November 2, 2022 @ 11:59 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Basilan Rep. Mujiv Hataman sa House of Representatives na magsagawa ito ng masusing assessment sa dahilan ng matinding pagbaha sa Maguindanao sa kasagsagan ng bagyong Paeng na ikinasawi ng maraming residente.

Ayon kay Hataman, ang kanyang panawagan ay hindi para mabunton ng sisi bagkus ay para maghanap ng paraan upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari lalo pa at hindi lamang Bagyong Paeng ang posibleng manalasa sa bansa.

Una dito ay nagpahatid ng kanyang pakikiramay si Hataman sa mga pamilya ng mga nasawi.

Umaapela din ng tulong ang mambabatas sa mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor na magpadala ng tulong sa mga biktima ng bagyo lalo na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na napuruhan ng nakalipas na bagyo.

Umaasa si Hataman na ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na nagtatanong kung bakit nangyari ang malawakang pagbaha sa Maguindanao ay maging hudyat na sa mga awtoridad na tukuyin kung saan ang problema upang maiwasan na itong mangyaring muli.

“Nais rin nating ipahayag ang ating pag-saludo sa ating mga rescue workers na itinataya ang sarili nilang buhay sa pagliligtas ng mga nasalanta nating kababayan. Sa ganitong mga pagkakataon, nakikita natin ang kanilang katapangan at dedikasyon sa sinumpaang tungkulin,” pagtatapos ni Hataman. Gail Mendoza