Sanlakbay Recovery and Restoration Center, pinasinayaan

Sanlakbay Recovery and Restoration Center, pinasinayaan

July 15, 2018 @ 1:42 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Makakamit ang tunay na pagbabago para sa mga naligaw ng landas.

Ito ang paniniwala ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar, kung magtutulonga bawat sector, pulis, simbahan at barangay.

Ginawa ni Eleazar ang pahayag sa pagpapasinaya ng Sanlakbay Recovery and Restoration Center sa Sta.Cruz, Maynila.

Ayon pa sa opisyal, malaki ang maitutulong ng bawat sektor sa bansa para tugunan ang suliranin sa ilegal na droga.

Bagama’t malawakan aniya ang problema ng bansa sa illegal na droga  ay mahalaga ang pagtutulongan para sa prevention at rehabilitation ng mga nalulong sa masamang bisyo.

“Kaya nga ang binibigyan ng focus yung rehabilitation binibigyan ng pagkakataon yung mga taong naging biktima ng illegal na droga, na magkaroon pagkakataon na sila ay magbago at mare-integrate sa ating komunidad. Kaya itong ginagawa ng simbahan in cooperation ng concern citizen and sectors, ating kapulisan na bigyan ng pagkakataon yung mga tumalima na magbagong buhay,” ayon kay Eleazar.

Sinabi rin ni Eleazar na may proseso ang PNP sa pagtanggal sa drug list sa mga drug surrenderers na sumasailalim sa rehabilitasyon at napatunayang hindi na bumalik sa masamang bisyo.

“Ang Drug list is just a list reference or guide it has no evidentiary value. Meron tayong proseso na once nalaman natin na talagang hindi na sila bumalik sa dating gawi at may appropriate intervention na isinagawa kagaya ng rehabilitation they will be delisted from that list nay un naman ay para lang sa internal na reference lamang at wala yung evidentiary value,” ayon kay Eleazar sa panayam ng Radio Veritas.

Ang Recovery and Restoration Center ay ang kauna-unahan ng Sanlakbay na magbibigay ng 18 month program sa mga nagtapos ng 6 month drug rehabilitation para sa kanilang tuloy-tuloy na paggaling mula sa pagiging gumon sa droga.

Ang pagbibigay ng counseling, higit pang paghuhubog at mga pagsasanay na  makakatulong para sa kanilang kabuhayan ay kabilang sa kanilang serbisyo.

Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng misa, kasama sina Fr. Bobby Dela Cruz ng Restorative Justice ng Caritas Manila at Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila.(JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)