SanLo studes tutulungan ng DepEd na makahanap ng lilipatang iskul

SanLo studes tutulungan ng DepEd na makahanap ng lilipatang iskul

August 16, 2022 @ 11:55 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tutulong ang Department of Education (DepEd) sa paghahanap ng mga bagong paaralan para sa mga displaced students ng Colegio de San Lorenzo sa Quezon City (QC) matapos nitong ipahayag ang permanenteng pagsasara dahil sa pinansyal na kadahilanan.

Sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Sinabi ni Michael Poa sa panayam sa GMA na ang Colegio de San Lorenzo ay hindi humingi ng permiso sa DepEd para sa pagsasara nito.

Nagpahayag ang iskul ng “voluntary closure” sa ilalim ng Section 43 ng DepEd Order (DO) 88 s. 2010.

Bilang tugon dito, sinabi ni Poa na tutulungan ng DepEd ang mga apektadong mag-aaral sa paghahanap ng mga paaralang makakatanggap sa kanila, lalo na’t magsisimula na ang school year 2022-2023 sa Agosto 22.

“Sa ganyang paraan muna natin susubukan tulungan ang mga learners. Maghahanap tayo ng mga schools that can help absorb the students kasi ilang araw na lang po ay pasukan na,” pagsisiguro ni poa.

Dagdag pa ni Poa na may isang pribadong paaralan sa Quezon City na nagpabatid sa DepEd na handa itong i-absorb ang mga mag-aaral, partikular ang Grade 11 at 12, na kapareho ng tuition rate ng Colegio de San Lorenzo.

Umaasa aniya ang DepEd na marami pang paaralan ang gagawa ng kaparehong hakbang.

Nanawagan din si Poa sa Colegio de San Lorenzo na agarang mapadali ang paglilipat ng records ng mga mag-aaral at sa mabilisang pag-refund sa nauna nang ibinayad na tuition ng mga nakapag-enroll na para sa papasok na school year.

Sinabi ni Poa na batay sa mga protocol, maglalabas lamang ang DepEd ng acknowledgement of closure kapag natiyak na ang transfer credentials ng mga apektadong estudyante ay naproseso at nai-release ng paaralan.

Nang tanungin tungkol sa tulong na maaaring ibigay ng DepEd para sa mga displaced teaching personnel, sinabi ni Poa sa ilalim ng Section 84 ng parehong DO, ang mga guro sa pribadong paaralan na tinanggal dahil sa boluntaryong pagsasara ng mga pribadong paaralan ay may karapatan sa separation pay.

“As to any form of assistance that the DepEd can provide, we will explore this. But again, I have to emphasize that these are private school teachers,” dagdag pa ni Poa.

Nitong Lunes nagkagulatan na lang ang mga estudyante at mga mag-aaral nang ianunsyo ng Colegio de San Lorenzo ang pagsasara nito sa dapat na unang araw ng pasukan. RNT