Santisima wagi sa Japan vs Osawa via TKO

Santisima wagi sa Japan vs Osawa via TKO

August 15, 2022 @ 1:01 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dinemolish ni dating Filipino world title contender Jeo “Santino” Santisima ang katunggaling beteranong Japanese fighter na si Hiroshige Osawa sa pamamagitan ng fifth round technical knockout win sa kanilang bakbakan sa Edion Arena sa Osaka, Japan.

Dalawang ulit pinahalik sa canvass ni Santino si Osawa (37-6-4, 21 KOs), una sa ikalawang round sa pamamagitan ng isang marahas na body shot at pagkatapos ay sa isang barrage sa ikalima na humantong sa pagtigil.

Ayon sa 26-anyos na Filipino (22-4, 19 KOs), matamis na tagumpay ito para sa kanya dahil galing siya sa TKO loss kay Joet Gonzalez sa Fresno, California noong Marso 4.

Si Santisima ay nasa ilalim ng pamamahala ng ZIP-Sanman Stable at sinabing pinilit talaga niyang hindi mauwi sa scorecard ang laban kontra sa home fighter.

“Nakipaglaban ako sa lupain ng kalaban at hindi matalinong hayaan ang mga hurado na magpasya sa laban. Ang plano ng laro ay talagang tapusin ang laban sa malayo. Maganda ang game plan ni Coach Michael Domingo at naisagawa ko ito ng maayos. Props to Osawa for a great fight,” ani Santisima.

“Ako ay lubos na nagpapasalamat sa ZIP-Sanman para sa pagkakataong ito at inialay ang panalo na ito para sa aking mga kababayan,” dagdag niya.

Ang ZIP at Sanman Boxing ay nakipagsosyo sa pagtatanghal ng kard para sa mga promising Filipino boxers, kasama sina Nobuyuki Matsuura at Marivic Kamiyama na kumakatawan sa ZIP at Jim Claude Manangquil ang nangunguna sa Sanman Boxing.

“Ang dramatikong tagumpay ay nagbubukas ng maraming pinto para kay Santisima. Ito ang naglalapit sa kanya sa mas malalaking hamon,” ani Manangquil.JC