SAP-atos ni Go, magagamit na ng mga taga-bukid at NPA

SAP-atos ni Go, magagamit na ng mga taga-bukid at NPA

June 24, 2018 @ 12:38 PM 4 years ago


Goodbye na sa mga pudpod na tsinelas, luma at butas na sapatos ang mga mahihirap, taga-bukid at maging ang New People’s Army (NPA).

Ito’y matapos tiyakin ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na mamimigay siya sa mga karapat-dapat at talagang nangangailangan ng sapatos.

Sa inilunsad na Sapatos ni SAP, Tsinelas ka-swap program ay sinabi nito na hindi siya nagi-isa sa adbokasiyang ito.

Nagsimula ang kanyang programa sa mga natulungan niyang nasunugan at sa 3-pointer ng Bayan program matapos niyang mapansin na marami ang gustong maglaro ng basketball pero walang sapatos.

Aniya natutuwa siyang ituloy-tuloy sa buong bansa ang pamimigay ng sapatos matapos magpahayag ng kahandang tumulong ng marami niyang kaibigan sa pribado at sa gobyerno.

Kaugnay nito, hinimok ni Go ang mga kababayan nating may mga sobra-sobrang sapatos o extrang sapatos na ihulog sa mga drop boxes na inilagay nila sa 200 grocery store ng Puregold.

Sila na aniya ang bahalang mangolekta sa mga ido-donate na sapatos habang ang DepEd at ang DSWD ang bahala sa pagtukoy sa mga lugar at eskuwelahan na maraming walang sapatos.

Samantala, patuloy naman ang panghihikayat ni Go sa mga kabataan na ituon ang atensiyon sa paglalaro ng basketball at iba pang sports kaysa sa maengganyo sa illegal drugs.

Mahigit 100 mga batang lalaki at babae kabilang ang isang Aeta ang nakatanggap ng libreng sapatos mula sa Sapatos ni SAP, Tsinelas ni Go ang sinabi ni Go na napiling makasama sa mga beneficiaries ng libreng sapatos si Vandolf Lundang na kinupkop ng LGU ng Antipolo.

Binigyang diin nito na simpleng bagay lang ang pagbibigay ng sapatos pero malaking tulong ito para mapaangat at ma-inspire ang bawat Pilipino lalo na ng mga kabataan.

Maliban sa pamimigay ng sapatos, pinangunahan din ni Go ang 3-pointer ng Bayan na dinadala sa mga napipiling lugar upang mahikayat ang mga kabataan na mas pagtuunan na lamang ng pansin ang basketball kesa mahikayat sa paggamit ng illegal drugs.

Ipinaalalang muli ng opisyal na ang 3-pointer ng bayan ay sumasalamin sa 3-point agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte na paglaban sa korapsyon sa gobyerno, kriminalidad at illegal drugs.

Una nang nakapagbigay ng kanyang personal na sapatos kapalit ng mga sira-sirang tsinelas si SAP Go sa ilang lugar na kanyang napuntahan at ilang biktima ng sunog.

Ang sapatos ni SAP, tsinelas ka-swap ni Go ay suportado ng ilang malalaking kompanya sa bansa na tumutulong upang makalikom ng ipamamahaging sapatos kung saan kabilang dito ang Puregold Price Club Inc., San Miguel Company, Cherry Mobile, Robinsons Land Corporation, Family Mart, Robinsons Malls, Megawide Construction Co., Phoenix Petroleum Philippines Inc., 2Go group of companies, World Balance at iba pang grupo at mga indibidwal na naniniwala sa adbokasiya ni Go. (Kris Jose)