SAP Go, handang pumagitna para may Phl team na isasabak sa Asian Games

SAP Go, handang pumagitna para may Phl team na isasabak sa Asian Games

August 4, 2018 @ 9:56 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nakahanda si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na kausapin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Philippine Basketball Association (PBA) para lang makapagpadala ng Philippine basketball team sa Asian Games na gaganapin sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Palembang, Indonesia.

Magugunitang nalalagay sa alanganin ang pagpapadala ng Pilipinas ng koponan sa Asian Games na kada-apat na taon lamang ginagawa dahil nais ng SBP na magpokus na lang daw sa FIBA Qualifiers at kulang na sa oras para bumuo ng national team.

Sinabi ni Sec. Go na kilalang basketball enthusiasts, balak niyang kausapin ang SBP at PBA para magkaroon pa rin ng national team na kakatawan sa Pilipinas.

Ayon kay Sec. Go, aasahan ng mabubuong koponan ang buong suporta rito ng administrasyon dahil tiyak na ikakasiya ng sambayanang may Philippine team sa Asian Games.

Iginiit niya na manalo man o matalo sa pinakamalaking basketball event sa Asya, ang mahalaga ay maipakitang lumaban tayo at nagkakaisa sa likod ng ating koponan.

Iginiit ni Go na nakapanghihinayang na walang kinatawan ng Pilipinas sa Asia, lalo pa’t nasa puso ng bawat Pilipino ang lumalaban at hindi basta sumusuko.

“Nakapanghihinayang na walang kakatawan sa Pilipinas sa Asian Games lalo nasa puso ng halos bawat Pilipino ang larong basketball. Hindi naman mahalaga kung manalo o matalo, basta maipakita natin sa buong mundo, na tayo ay lumalaban at hindi basta susuko sa anumang hamon o pagsubok,” ani Go. (Kris Jose)