SAP Go, humingi ng tulong sa lokal na opisyal ng Boracay kontra ilegal na droga

SAP Go, humingi ng tulong sa lokal na opisyal ng Boracay kontra ilegal na droga

July 13, 2018 @ 9:29 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nananawagan si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa mga local officials, barangay officials at kapulisan sa isla ng Boracay na tulungan ang pamahalaan na sugpuin ang iligal na droga.

Naniniwala si Go na malaki ang maitutulong ng mga ito para linisin ang lugar sa ipinagbabawal na gamot.

“Kasi kung sila mismo—sila iyong nakaka-amoy doon sa lugar na iyon, kung sinu-sino iyong mga pumapasok sa illegal na droga na iyan,” ani Go.

Nakarating na kasi sa kaalaman nila ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na
malakas ang ilegal na droga sa Boracay.

“Sabi ko, layuan ninyo iyong droga. Kasi balita namin, malakas iyong droga doon. Sana pagbalik ng publiko doon, wala na iyong droga. Iyon ang isa sa medyo malakas rin doon,” aniya pa rin.

Napakaimportante aniya ng anti-drug campaign ni Pangulong Duterte sa bansa lalo na sa Boracay dahil hindi lang kapaligiran ang dapat linisin kundi maging mga tao roon.

Kaya dapat aniya na makipagtulungan ang mga taga-Boracay sa pamahalaan laban sa iligal na droga.

Samantala, masaya naman si Go sa resulta na ginawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang mga local government units at national government agencies sa pag-aayos ng Boracay.

“Malinaw, makikita mo, medyo—iyong daan naman… makikitid na daan pinapalawak at pinapalapad na rin. At talagang—sabi ko nga doon sa mga tao doon, hindi lang iyong daan at paglilinis iyong dagat, pati iyong komunidad,” ayon sa opisyal. (Kris Jose)