SAP Go, kakausapin si Mayor Sara para sa relokasyon ng mga pamilyang nakatira sa danger zones sa Davao City

SAP Go, kakausapin si Mayor Sara para sa relokasyon ng mga pamilyang nakatira sa danger zones sa Davao City

July 21, 2018 @ 4:13 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Kakausapin ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go si Davao City Mayor Sara Duterte para irekumenda na kaagad na bigyan ng relokasyon  ang mga  pamilya na nakatira sa tinatawag na ‘danger zones” sa lungsod.

Kailangan ani Go na masiguro ang kaligtasan ng ilang residente na nakatira sa coastal area ng lungsod.

Iyon nga lamang ay karamihan sa mga nasabing residente ay ayaw umalis sa kanilang tirahan sa katuwirang nandun ang kanilang hanapbuhay.

Karamihan aniya kasi sa mga ito ay magdaragat.

“Kakausapin ko si Mayor Sara (Duterte) para mabigyan sila ng relocation kung willing sila lumipat ng tirahan. Karamihan kasi sa kanila, ayaw talaga umalis. Kasi ang kabuhayan nila nandito, magdadagat sila. I-assure din natin na ‘pag lumipat sila ay bibigyan din sila ng livelihood assistance,” ayon kay Go.

Nauna rito, nagsagawa naman ng relief operations ang mga pribadong indibiduwal at negosyante sa mga pamilyang tinamaan ng monsoon waves sa Barangay Bucana sa Davao City noong Hulyo 19, 2018.

Ang mga staff at volunteers ng JC Cares Foundation sa pamamagitan ng pribadong kompanya na JC Premiere Business International Inc. ay inimbitahan si Go para pangunahan ang pamamahagi ng relief goods.

Ang tulong at serbisyo mula sa Deparment of Social and Welfare Development (DSWD) at Department of Health (DOH) ay in-extend sa 37 pamilya na apektado ng monsoon waves.

“Nandito po ako para tumugon ng tulong sa mga biktima ng monsoon waves. Sa inyo po ang tulong na ito mula sa gobyerno, sa DSWD at sa DOH. Iba rin po ‘yung tulong mula sa  pribado, ‘yung JC Premiere Cares. Nagbigay po sila ng materyales, gamit, kahoy para makabalik ang mga naapektuhan sa dati nilang tinitirhan,” ayon kay Go.

Ang JC Premiere Business International ay matagal nang tagasuporta ni Pangulong  Duterte at Go.

Tinawagan naman ng pansin ni Go ang kanyang mga kritiko at pinayuhan ang mga ito na tumulong din sa mga nangangailangan.

“Sa mga opposition at netizens na ‘yan, kayo meron ba kayong naitulong sa mga biktima? Tumulong naman kayo, maawa naman kayo,” ani Go.

Samantala, namahagi naman sina Go ng relief goods kabilang na ang  food packs at non-food items gaya ng kumot, unan at kulambo sa pamilya naman na nasunugan sa isang  Barangay sa Sasa, Davao City. (Kris Jose)