SAP Go, nagulat sa photoshop na selfie pic kasama ang Diyos

SAP Go, nagulat sa photoshop na selfie pic kasama ang Diyos

July 14, 2018 @ 11:28 AM 5 years ago


Manila, Philippines – Nagulat ang tinaguriang Selfie King  at Pambansang Photobomber na si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa lumabas na selfie picture nito kasama ang Diyos.

Namangha ang opisyal sa magandang pagka-photoshop ng nasabing selfie picture.

“Nagulat nga ako doon. Mayroon akong picture na nandiyan iyong Diyos ‘no. Ang ganda nang pagkagawa. Ang ganda nang pagka-photoshop noon,” ani Go.

Iyon nga lamang dismayado siya na ginamit pa ang larawan ng Diyos para gumawa ng selfie picture niya.

Hindi naman lingid sa kaalaman ni Go na ang selfie picture ay intensyong ginawa para inisin siya at si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang manawagan ang huli na magbibitiw ito sa puwesto kapag mayroon na kahit isa lang na makakapag-selfie kasama ang Diyos.

Sa kabilang dako, pinayuhan ni Go ang kanyang mga bashers na hueag aksayahin ang panahon sa pag-bash sa kanya at sa halip ay tulungan na lang ang gobyerno na ibigay ang mga pangangailangan ng mga taong nasunugan.

Malaking tulong aniya kung magpapadala ang mga ito ng kanilang lumang damit, mga plywood at ibq pang bagay na mapapakinabangan ng mga nasunugan.

“Marami pong mga Pilipino ang nangangailangan ng tulong. Walang maitutulong ang inyong pagba-bash. Tsaka kung wala kayo magawa, sana tumulong na lang kayo,” aniya pa rin.

Samantala, dedma lang si Go sa kamakailan lamang na SWS survey kung saan ay pumalo sa 23 slot ang kanyang pangalan.

Una aniya ay hindi naman siya  kandidato at may nakapagsabi sa kanya na kalahati pa  ng mga Pilipino ang hindi nakakakilala sa kanya.

“Hindi po nagma-matter sa akin ang spot or rating na ‘yan. My awarenes is very low, tumaas daw ako nang kaunti. Paakyat nang paakyat. Hindi naman importante, hindi naman ako kandidate. I don’t consider myself as a candidate, I don’t consider myself as a part of the race,” pahayag nito.

Kaya nga, palagi niyang sinasabi na ayaw  niya talagang tumakbo, hindi siya interesadong tumakbo at ang magpapatakbo lamang sa kanya ay si Pangulong Duterte, period. (Kris Jose)