SAP Go, susugod sa NLEX para personal na ipatanggal ang billboards

SAP Go, susugod sa NLEX para personal na ipatanggal ang billboards

July 14, 2018 @ 9:56 AM 5 years ago


Manila Philippines – Sa susunod na linggo ay sasadyain ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang North Luzon Expressway (NLEX) para personal na ipatanggal ang malahiganteng billboards na makikita ang kanyang mukha at pangalan doon.

Ang hamon ni Go sa mga private individuals na naglalagay ng kanyang  billboards sa  Manila at  NLEX na unahan na siyang alisin ang kanyang mga billboards at tarpaulins.

Binagyo na aniya kasi siya ng pambabatikos mula sa kanyang mga kritiko at opposition na parang sirang-plaka na tinatanong siya kung bakit nandun ang kanyang mukha.

Isa lamang si Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa bumatikos sa billboards at tarpaulins ni Go.

“Kung hindi ninyo tatanggalin ‘yan, pupuntahan namin iyon next week at tatanggalin pagbalik namin sa biyahe. Ako mismo ang magpapatanggal,” diing pahayag ni Go.

Sa kabilang dako, sakali at magpatuloy naman ang mga ito sa paglalagay ng billboards at tarpaulins ay ang pakiusap ni Go ay mangyaring mukha at pangalan na lamang ng kanyang mga kritiko at oposisyon ang ilagay ng mga ito.

“Para walang inggitan at para ‘di ka na magselos,” ayon kay Go na halatang may pinatutungkulan.

Pinakiusapan din niya ang mga ito na huwag siyang ikonsidera bilang kandidato dahil hindi naman siya tatakbo sa 2019 midterm elections.

Sa ngayon aniya ay malayo sa isipan niya ang tumakbo sa 2019 midterm elections at tanungin na lamang siya kapag malapit na ang eleksyon.

Samantala sakali naman at napilit siya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa eleksyon sa susunod na taon ay sinabi niya na marami siyang maio-offer sa sambayanang filipino.

“Ang trabaho ko po ay tumulong, my job is to help. Masaya na po ako sa aking trabaho at marami na po akong natutulungan. So hindi ko kailangan na tumakbo, pumili ng isang elective post po kasi marami na po akong natutulungan ngayon at patuloy po ako tutulong kahit saan man ako tutungo,” ang pahayag ni Go.