SAP Go, walang kinalaman sa pagbibitiw ng 12 top officials ng CIIF-OMG

SAP Go, walang kinalaman sa pagbibitiw ng 12 top officials ng CIIF-OMG

July 17, 2018 @ 10:16 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Walang kinalaman si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa ginawang pagbibitiw sa puwesto ng 12 matataas na opisyal ng Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group (CIIF-OMG).

Nagbitiw sa puwesto ang mga nasabing opisyal matapos na iprotesta sa Malakanyang ang pagkakatalaga kay Rehan Lao bilang bagong chief executive officer (CEO) ng nasabing ahensiya.

Binigyang diin ni Go na wala siyang kamay sa pagbibitiw sa puwesto ng 12 opisyal ng CIIF-OMG sa pangunguna nina chairman Eddie de Lima at dating CEO Benedicto Lor kay Executive Secretary Salvador Medialdea.

Wala rin aniyang katotohanan na humingi siya kay Lor sa pamamagitan ng kanyang kinatawan ng mid-term election campaign funds.

Base sa affidavit ni Lor, may mag-asawang Lou Luy at Jocel Luy ang nagpakilala bilang may “strong connection” kay Go at humingi di umano ng pondo para sa pagtakbo ni Go sa Senado.

Inamin ni CIIF-OMG Vice President Joven Evangelista na hindi nila nagawang iberipika kung lehitimo ang nasabing fund request.

Mariing itinanggi ni Go na may koneksyon siya sa mag-asawa.

Sa kabilang dako, sinabi ng mga CIIF-OMG officials na pinlano ang pagsipa kay Lor sa puwesto mula sa ahensiya dahil sa pagtanggi nito na magbigay ng campaign funds.

Duda naman ang mga opisyal sa pagkakatalaga kay Lao dahil sa pagiging “incompetence” at kuwestiyonableng credentials nito.

Sinabi ni Lao na isa siyang abogado subalit sa katotohanan ay hindi siya pumasa sa bar examination.

Bukod pa sa may nakabinbing administrative case ng misrepresentation si Lao sa Office of the Ombudsman.

Kaya nga ang babala ni Go sa publiko ay huwag maniwala sa mga taong nagso-solicit ng pera para sa kanyang pagtakbo sa Senado.

“If there is someone who will solicit money or whatever for my candidacy, do not believe them, I am not a candidate,” ani Go. (Kris Jose)