Sapat na pondo sa F2F siniguro ng DepEd

Sapat na pondo sa F2F siniguro ng DepEd

March 29, 2022 @ 7:48 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Education (DepEd) sa mga eskwelahan na mayroong karagdagang pondo para sa paghahanda ng progresibong pagpapalawak ng limited in-person classes.

Binatikos kasi ng Teachers Dignity Coalition (TDC), sa isang Facebook Livestream, ang gobyerno para sa diumano’y “taking advantage” o pagsasamantala sa kabutihang-loob o pagiging mapagbigay ng mga guro kasunod ng ulat na may ilang guro ang gumagamit ng kanilang resources para sa paghahanda ng limited face-to-face classes

Sinabi ni DepEd Undersecretary Analyn Sevilla na may ilang regional offices ang nagsimula nang mag-download noong Marso 4 ng karagdagang pondo para sa maintenance at iba pang operating expenses (Schools-MOOE) March 4.

“Napakahalaga ng agarang aksyon, lalo sa usaping pinansyal, pagdating sa pagpapatuloy ng edukasyon nitong nakalipas na dalawang taon. Kaya’t prayoridad din namin, at sa direksyon ni Secretary Leonor Magtolis Briones, na maging maagap sa pagpaplano at i-anticipate ang pangangailangan ng ating mga personnel, teachers, at learners,” ayon kay Sevilla.

Aniya pa, may P936 milyong piso mula sa P977 milyong Schools-MOOE na pondo ang na-download na ng DepEd regional offices.

“May natitira pang PHP41.48-million sa Central Office bilang buffer fund. Ang mga Regional Offices ay magbibigay ng pondo sa mga Division Offices base sa dami ng schools na sasali sa Progressive Expansion,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, kinikilala naman ng DepEd ang partisipasyon at inisyatiba ng mga guro at iba pang stakeholders sa komunidad.

“Kinikilala din natin sa DepEd ang kahalagahan ng partisipasyon ng ating mga guro kasama ang komunidad, LGU, at mga organisasyon tulad ng PTA sa ‘shared responsibility’ pagdating sa paghahanda ng ating mga paaralan,” ayon kay Sevilla.

Samantala, hinikayat naman ng DepEd ang mga school heads ng mga identified schools na kabilang sa progressive expansion ng face-to-face classes na makipag-ugnayan sa division at regional offices para sa karagdagang pondo. Kris Jose