Sapat na pondo sa pagtugon sa Bulusan eruption tiniyak ng Sorsogon

Sapat na pondo sa pagtugon sa Bulusan eruption tiniyak ng Sorsogon

June 6, 2022 @ 11:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sapat ang pondo ng provincial government ng Sorsogon upang tugunan ang pagsabog ng Bulusan Volcano, ayin kay Governor Chiz Escudero nitong Lunes.

Sinabi rin niya na walang plano ang lokal na pamahalaan na magdeklara ng state of calamity sa ngayon dahil “manageable” pa umano ang epekto ng phreatic eruption nitong Linggo.

“Hindi pa nagagalaw ang calamity fund ng lalawigan. Pero wala kaming balak magdeklara ng state of calamity, hindi naman kailangan dahil dalawang barangay lang,” pahayag niya sa media briefing.

Itinaas ang Alert Level 1 sa Bulusan Volcano nitong Linggo kasunod ng pagsabog, na nangangahulugang ang bulkan ay nasa low-level unrest. Nabalot naman ng abo ang mga bayan ng Juban at Casiguran. Bago ang pagsabog ng bulkan, nakapagtala ng 77 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras.

Ani Escudero, mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs sa mga residente na mag-aalis ng abo mula sa kanilang mga bahay at pampublikong lugar.

Siniguro rin niya na handa ang mga lokal na opisyal sakaling muling mag-alboroto ang bulkan. RNT/SA