Sapat na suplay ng hiringgilya siniguro ng DOH hanggang sa pagtatapos ng 2021

Sapat na suplay ng hiringgilya siniguro ng DOH hanggang sa pagtatapos ng 2021

December 12, 2021 @ 9:24 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Siniguro ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na mayroong sapat na suplay ng mga hiringgilya para sa coronavirus disease (COVID-19) vaccines hanggang matapos ang taon, at sinabing ang biniling hiringgilya ng bansa sa pamamagitan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ay nagsimula nang dumating sa bansa.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center chairperson Myrna Cabotaje na patuloy pa rin ang pagbili ng mga hiringgilya.

Aniya, mayroon lamang kaunting pagkaantala sa pagdating ng mga ito sanhi ng global shortage.

Nasa 44 milyong hiringgilya ang na-order tatlong buwan na ang nakalilipas, kung saan dalawang milyon na ang dumarating sa bansa, at inaasahan ang karagdagang dalawang milyon sa isang linggo.

Dagdag pa ni Cabotaje, posibleng dumating sa Pilipinas ang 40 milyon pang hiringgilya sa isang taon.

Samantala, hinikayat naman ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa ang publiko na magpabakuna laban sa naturang viral disease dahil sapat umano ang suplay ng COVID-19 vaccines at syringes.

“Dumating na yung mga hiringgilya na inorder natin from UNICEF tapos unti unti na siyang sumasama pagdumating yung Pfizer dumadating din yung mga hiringgilya kasama na nung delivery ng mga bakuna,” ani Herbosa sa dzBB nitong Sabado.

“So meron tayong sapat na bakuna ngayon, sapat na supplies din pero alam namin yung kapasidad ng bawat vaccinator kaya depende sa bilang ng vaccinator at bilang ng vaccine sites gumagawa kami ng mas realistic na estimate na kayang maachieve,” dagdag niya. RNT/SA