Sapatero nakaligtas sa hitman; patayan natapat sa istasyon ng pulis

Sapatero nakaligtas sa hitman; patayan natapat sa istasyon ng pulis

November 8, 2022 @ 12:08 PM 3 weeks ago


ANTIPOLO, Rizal-MASWERTENG nakaligtas sa kamatayan ang isang sapatero sa kanyang hitman matapos makatakbo makaraan madaplisan lamang ito at natapat sa himpilan ng pulisya ang kanilang habulan noong Huwebes sa lungsod na ito.

Nasa ligtas ng kalagayan matapos lapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Alfredo Badloza y Berreuico, nasa hustong gulang at residente ng Barangay San Isidro, Antipolo City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Richard Lumbab, nasa hustong gulang habang tugis ang mastermind at pinsan nitong si Jojo Cañete.

Ayon kay PMAJ Leopoldo B Cajipe Jr., Provincial Officer, dakong 9:10AM ng maganap ang insidente sa tapat ng Rizal Provincial Jail Office ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group na matatagpuan sa NHA Avenue, Sitio Padilla, Brgy. San Isidro,Antipolo City, Rizal.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kita sa kuha sa CCTV na naghahabulan ang biktima at suspek hanggang sa natapat ang mga ito sa himpilan ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa katawan ang biktima at agad na dinala sa Antipolo District Hospital at ngayon ay nasa mabuting kalagayan.

Base sa pahayag ng suspek sa pulisya, inupahan lamang siya ng kanyang pinsan na si Jojo sa halagang P7,000.00 para patayin ang biktima.

Aniya, maliban sa pagiging sapatero Badloza ay nagpapatakbo rin ito ng illegal na pasugalan na siyang mahigit na kompetensya ng mastermind na si Jojo.

Nangumpisal din si Lumbab sa pulisya na pang-apat na niyang biktima si Badloza na nakaligtas at sa halagang P7,000.00 lamang ang kanyang singil sa bawat papatayin.

Dagdag pa ng suspek, hindi pa niya nakukuha ang P7,000. Sinabihan din umano siya na maraming kasalanan ang taong papatayin niya gaya ng pagnanakaw.

Nakuha sa suspek ang isang caliber .38 na baril, mga bala, kutsilyo at cellphone.

Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang magpinsan na suspek./Mary Anne Sapico