SAPUL ANG TRABAHO SA PAGTATABOY SA POGO

SAPUL ANG TRABAHO SA PAGTATABOY SA POGO

September 30, 2022 @ 8:43 PM 2 months ago


TODAS ang trabaho ng 90,000 manggagawa at empleyadong Pilipino kapag natuloy ang bantang pagtigil sa operasyon ng offshore gaming firms sa Pilipinas.

Ang nasabing numero ng empleyo ay siyang direktang apektado sa pag-total ban sa lahat ng galaw ng Philippine Offshore Gaming Operators at hindi pa kasama sa bilang ang libo-libong trabaho sa iba’t ibang industriya na masasapul din kung tuluyang mahihinto ang POGO.

Sa madaling salita, hindi lang ang mismong mga nagtratrabaho sa POGO ang tatamaan dito kundi maging ang mga broker ng condominium sales and rentals, halimbawa, o iyong mga kasambahay o helper na nag-aasikaso sa mga foreign POGO worker o iyong mga driver na naghahatid-sundo sa mga ito.

Alam ba ninyo na ang lahat ng mga POGO employee (Chinese, Vietnamese, Indonesian, Taiwanese, Malaysians, at iba pang nasyonalidad) ay gumagastos ng P950 milyon araw-araw sa pagbili ng kung ano-ano sa iba’t ibang tindahan at establisyemento at ang kinikita rito ng mga negosyo ay isang dahilan upang makalikha pa ng mas maraming trabahaho para sa mga mamamayan.

Kapag nawala ang mga naturang trabaho (breadwinners pa naman ang karamihan dito), tinatayang hindi bababa sa 500,000 indibidwal ang maaaring magutom sa gitna nang hindi matapos-tapos na pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin dahil na rin sa tumitinding inflation at lumalalang foreign exchange rate.

Gugustuhin ba natin na mangyari ito sa mga kapwa natin Pilipino?

Maging ang kinikilalang ekonomista at kasalukuyang chairman ng House Ways and Means Committee na si Albay Rep. Joey Salceda ay tutol na mawala ang POGO kung saan kanyang sinabi na lalo lang magiging masalimuot ang mga problemang panlipunan kapag tuluyang inihinto ng pamahalaan ang POGO.

Aniya’y mas mainam na tutukan na lamang ng gobyerno ang pagpapatupad nang mahigpit na regulasyon sa buong POGO industry kaysa paalisin ang mga ito.

Hindi rin magiging maganda para sa imahe ng bagong Marcos administration kung madaragdagan pa ang mga tambay na Pilipino lalo’t nananatiling mataas ang pinakahuling unemployment rate sa 5.2%.

Malaking tulong ang POGO para sa pagbangong muli ng bansa na campaign promise ni Pangulong Bongbong Marcos. Esep-esep muna at huwag magpadalos-dalos.