Sapul ng baha sa Bicol, VisMin tiniyak na aayudahan ng DSWD

Sapul ng baha sa Bicol, VisMin tiniyak na aayudahan ng DSWD

December 28, 2022 @ 9:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – NANANATILING “in close contact” ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa.mga biktima ng malawakang pagbaha dahilan ng “shear line at northeast monsoon” sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon sa impormasyon na ipinalabas ng Social Marketing Service (SMS) ng DSWD, patuloy na nagbibigay ang ahensiya ng kinakailangang tulong sa pamilya at indibiduwal na apektado ng pagbaha sa Eastern Visayas (Region VIII), Zamboanga Peninsula (Region IX) at Caraga Region.

Sa emergency meeting, araw ng Martes, ang lahat ng DSWD field offices ay nagbahagi ng updates ukol sa kanilang disaster response operations, kabilang na ang probisyon ukol sa family food packs at non-food items, at maging ang katayuan ng prepositioning relief goods sa iba’ibang lokalidad.

“As of Dec. 26,” mahigit sa P3.2 milyong halaga ng humanitarian assistance ang ibinigay ng DSWD sa Regions VIII, IX, at Caraga.

Iniulat naman ng DSWD offices sa tatlong rehiyon na mahigit sa 34,751 pamilya o 133,443 katao ang apektado ng weather disturbance.

Sa nasabing bilang, 12,154 pamilya o 51,386 katao ang kasalukuyang nasa temporary shelter sa 142 evacuation centers na itinayo ng local government units sa mga apektadong lugar.

May kabuuang 133 bahay sa tatlong rehiyon ang napinsala.

Sinabi naman ni Field Office V Regional Director Norman Laurio na mahigit sa 17,100 pamilya o 69,042 indibiduwal ang apektado ng flooding incident sa Bicol Region.

Tiniyak naman ng mga regional directors na ang kanilang mga disaster teams ay maayos na nag-deploy sa mga apektadong lokalidad para tumulong local government units sa pagsasagawa ng relief operations para sa kanilang apektadong constituents.

Sa kabilang dako, mahigit sa P1.6 milyong halaga ng tulong ang ipinagkaloob ng DSWD sa mga pamilyang apektado ng flash floods sa Bicol region.

Samantala, umapela naman ang DSWD na manatiling bigilante at sundin ang kautusan ng lokal na opisyal para matiyak ang kanilang kaligtasan. Kris Jose