Sara ayaw mag-alkalde noon, tumatakbong VP ngayon – Digong

Sara ayaw mag-alkalde noon, tumatakbong VP ngayon – Digong

April 13, 2022 @ 8:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ayaw talaga noon ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo sa pagka-alkalde subalit ngayon ay tumatakbo na bilang bise-presidente.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa Butuan City, sinabi nito na hindi sila nag-uusap na mag-ama subalit suportado niya ang vice presidential campaign ng kanyang anak.

“Ako talaga paalis na ako. Kayong naiwan kasi matagal pa kayo sa gobyerno… Pero ganoon ang nangyayari sa Pilipinas. Pabalik-balik kayo. Kagaya ng anak ko yung babae, si Inday noon ayaw, ngayon kandidato na ng vice president,” ayon sa Pangulo.

“Hindi ko maintindihan noong una pinapatakbo ko ng mayor kasi paalis ako, that was the time I was the vice mayor, ‘ayaw ko, ayaw ko, si Pulong (Davao City Representative Paolo Duterte) na lang,’” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.

“Nakatikim siguro ng magandang pwesto, mayor na kasi so ngayon. Tumakbo ng vice president. Hindi kami naguusap but of course I support my daughter hindi ako namumulitika I’m just relating to you kung ano lang ang totoo sa buhay,” aniya pa rin.

Nauna rito, umaasa naman si Mayor Sara na susuportahan ng kanyang ama ang kanyang standard bearer na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Gayunman, ginagalang niya ang desisyon ng kanyang ama na si Pangulong Duterte na hindi mag-endorso ng kahit na sinumang presidential candidate.

Makailang ulit na kasing sinasabi ng Pangulo na hindi siya mage-endorso ng kahit na sinuman na presidential candidate sa Eleksyon 2022. Kris Jose