Sara Duterte, Imee Marcos at mga reps. nagsama-sama sa “Thank you lunch” ni SGMA

Sara Duterte, Imee Marcos at mga reps. nagsama-sama sa “Thank you lunch” ni SGMA

July 30, 2018 @ 3:53 PM 5 years ago


 

Quezon City – Isang tanghalian ang sabay na dinaluhan nina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Presidential daughter Atty. Sara Duterte-Carpio sa Seda Hotel, Quezon City.

Ito ay isang linggo matapos ang kudeta sa Kamara na nagpatalsik sa pwesto kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na ayon sa mga balita ay suportado umano ng anak ng pangulo.

Ang dalawa ay parehong naka-pula sa tanghalian na tinawag ni SGMA na “thank you lunch.”

REMATE FILE PHOTO | MELIZA MALUNTAG

REMATE FILE PHOTO | MELIZA MALUNTAG

Dinaluhan din ng mga mambabatas na sumuporta kay SGMA ang salu-salo gaya nina Buhay Party-list Rep. Lito Atienza,  Ilocos Norte Governor Imee Marcos, SAGIP Rep. Rodante Marcoleta, Davao City Rep. Karlo Nograles, Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, Zamboanga Sibugay Rep. Willter Palma at dating Presidential Management Staff head Elena Bautista-Horn.

Samantala, pagkatapos maging speaker ng Kamara, ay irerekomenda na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na mamuno sa PDP-Laban.

Ipinahayag ni Quezon City Rep. Winston Castelo na kaniyang irerekomenda na malagay si SGMA sa mas mataas na posisyon sa partido PDP-Laban kung saan kasapi din si Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit pa ni Castelo na marapat lamang na ibilang si SGMA bilang opisyal ng partido ngayong siya ay isang speaker.

Kumpiyansa ang kongresista na makabubuti ito sa PDP-Laban sa Kamara dahil makapagbibigay si GMA ng impluwensya sa mga proyekto, programa at iba pang pangangailangan ng mga house members at kanilang mga constituents.

Binanggit pa ni Castelo na si Negros Occidental Rep. Albee Benitez ang sinasabing “emotional choice” na naatasang tumayong lider ng PDP-Laban sa Kamara upang pagkaisahin ang mga paksyon na nabuo sa kapulungan. (Meliza Maluntag)