Compostela Valley — Kasabay ng ginanap na Basic Orientation Mass Oathtaking ng Hugpong ng Pagbabago sa Compostela Valley ay inendorso ni Davao City Mayor Sara Duterte si Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go na tumakbo sa Senado sa darating na eleksiyon.
Ang Hugpong ng Pagbabago ay isang alyansa sa Davao region na sumusuporta sa proyekto, serbisyo at adhikain ng Duterte administration.
Dahil sa endorsement ni Mayor Inday Sara kay Sec. Go, naghiyawan ang mga miyembro ng Hugpong ng Pagbabago – Compostela Valley chapter na dumalo sa pagtitipon. Maging sila ay approve sa pagiging Senador ng top presidential aide.
Aminado si Mayor Inday na maaga pa para mag-decide si Sec. Go, pero kung sakaling ituloy nito ang plano na maging Senador sa 2019 ay buong suporta ang ibibigay ng Hugpong ng Pagbabago sa kanya.
Ikinatuwa naman ni Sec. Go ang pahayag ng alkalde ng Davao City pero itinanggi nitong may plano siyang tumakbo sa darating na eleksyon.
“Nag usap kami kanina, maraming salamat kay Mayor Inday at sa Hugpong ng Pagbabago. Pero wala po ‘yan sa isipan ko malayo sa isipan ko, hindi po ako interesadong tumakbo,” ayon kay Sec. Go sa isang ambush interview.
Mas prayoridad pa rin ng opisyal na unahin ang trabaho at pagtulong sa mga nangangailangan kaysa pag-usapan ang politika. (Kris Jose)