Sarangani, Davao, iba pang lugar binaha sa walang-patid na pag-ulan

Sarangani, Davao, iba pang lugar binaha sa walang-patid na pag-ulan

April 6, 2022 @ 10:50 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Bunsod ng malakas na buhos ng alon na dahil sa intertropical convergence zone at low pressure area (LPA) ay binaha ang ilang lugar sa bansa nitong Martes.

Kabilang sa nakaranas ng pagbaha ang Sarangani, Davao de Oro, Davao del Sur, Southern Leyte at Aurora.

Sa lalawigan ng Sarangani, halos zero visibility sa mga bayan ng Maasim at Maitum dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Binaha rin ang bayan ng Alabel, habang inilikas na ang mga residente sa Barangay Ladol. Aboy-dibdib naman ang baha sa Barangay Kawas kung saan anim na purok ang naapektuhan.

Maging ang national highway ay hindi pinalagpas ng baha.

Nasa 70 pamilya naman ang naapektuhan, at nagpadala ng tulong ang local government unit.

Sa Compostela, Davao de Oro, hanggang baywang ang tubig baha at pumasok sa ilang bahay.

Sa Matanao, Davao del Sur, ilang mga bahay din ang binaha matapos umapaw ang isang batis.

Samantala, sa San Ricardo, Southern Leyte, binalaan ang mga residente ng Barangay Saud sa posibilidad ng pagguho ng lupa dahil sa malakas na pag-ulan.

Sa Casiguran, Aurora naman ay hindi nakipagsapalaran ang mga mangingisda sa dagat dahil sa masamang panahon.

Sinabi ng PAGASA na ang LPA na huling namataan sa timog-silangan ng Davao City na makapagdadala ng kalat-kalat hanggang sa malawak na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Palawan at Mindanao ngayong Miyerkules, at maaaring magresulta ang flash flood o landslide. RNT