‘Sarangani’ malaya na muling nakalilipad sa tirahan

‘Sarangani’ malaya na muling nakalilipad sa tirahan

June 14, 2022 @ 9:10 AM 2 weeks ago


GENERAL SANTOS CITY –SA loob ng 18-buwan pagpapagaling sa mga sugat nitong tinamo sa pakpak mula sa illegal hunters ay muling malaya nang nakalilipad ang Philippine eagle na si Sarangani sa dati niyang tirahan sa bundok matapos itong pakawalan sa hinterlands Lunes sa Maitum, Sarangani province.

Sinabi ni Abdul Cariga, pinuno ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa bayan ng Kiamba, lubos na ang paghilom ng mga sugat ni Sarangani na ibinalik na sa Mt. Busa, isang lokal na conservation area sa Barangay Upo, Maitum, Sarangani.

Ginamot si Sarangani na isang lalaking Philippine Eagle Center (Pithecophaga jefferyi) sa Davao City nang matagpuan ito ng isang magsasaka sa bundok na may sugat ang mga pakpak at hindi na nakalipad.

Dinala sa Philippine Eagle Foundation (PEF) para sa rehabilitasyon ang agila at nakipag-negosasyon sa

Sarangani Energy Corporation ng Alsons Power Group at Siguil Hydro Power Corporation para masiguro ang proteksyon ng pangunahing biodiversity area ng Mt. Busa kung saan nakatira ang sub populasyon ng Philippine Eagles.

Kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Eagle Week 2022 mula Hunyo 6 hanggang 13, pinakawalan si “Sarangani” (dating pinangalanang “Salagbanog”.)

Sinabi pa ni Cariga na umabot na sa 12 agila ang kanilang nailigtas simula magkaroon ng pandemya at kadalasan sa mga ito ay nabaril o na-trap ng mga mangangaso sa kabundukan.

Buwan ng Enero 8, 2021 natagpuan ng isang T’boli farmer ang raptor na nakulong sa matinik na rattan vines matapos manghuli ng unggoy malapit sa Salag Banog Falls na matatagpuan sa Barangay Ticulab ng munisipalidad ng Maitum./Mary Anne Sapico