Sariling asawa, anak pinatay; pulis nagpatiwakal din

Sariling asawa, anak pinatay; pulis nagpatiwakal din

January 16, 2022 @ 12:48 PM 7 months ago


CAMP OLA, Albay- Isang pulis ang nagpakamatay matapos barilin ang sariling asawa at tatlong taong gulang na anak, sa gitna ng pagtatalo ng mag-asawa sa kanilang tahanan sa Virac, Catanduanes nitong Sabado ng umaga.

Inilahad ni Police Major Malu Calubaquib, Police Regional Office 5 (PRO-5) spokesperson, na si “Jay”, 25, aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP), ay binaril ang kanyang asawa na si “Joy,” 28, gamit ang 9mm service pistol.

Tinamaan din ang kanilang 3-anyos na anak habang dala ng kanyang ina.

Kasunod nito ay ang pagbaril ng ama sa kanyang sarili gamit ang parehong baril.

“Sa gitna ng pagtatalo ay bumunot ng baril ang suspek at binaril sa ulo ang 28-anyos na asawang si “Joy” habang nakatalikod na tumagos sa karga nitong bata. Matapos ang insidente ay nagpatiwakal din ang suspek gamit ang service firearm nito,” paglalahad ni Calubaquid.

Ayon kay Calubaquib, naganap ang insidente bandang alas-1  ng madaling araw kahapon pagkauwi ng suspek galing sa inuman.

Dagdag pa niya, walang malay ang baya nang dumating ang pulisya. Agad umano itong dinala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, selos ang dahilan ng pagtatalo, subalit sinabi ni Calubaquib na magsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon ukol sa pangyayari.

“Ikinalungkot ng pamunuang ng Catanduanes Police Provincial Office sa pangunguna ni provincial director Police Colonel Benjamin B. Balingbing, Jr (ang nangyari). Ipinaabot din nito ang pakikiramay sa pamilya. Nagpaalaala din siya na maging responsable sa paggamit ng baril. Ilang interbensyon ang isasagawa ng pamunuan kaugnay ng insidente,” sabi ni Calubaquib. RNT/SA