Sariling insurance system hirit ng teachers’ group

Sariling insurance system hirit ng teachers’ group

May 20, 2022 @ 12:02 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nilalakad ng isang grupo ng mga guro ang paglikha ng hiwalay na insurance kung ang mga reporma sa Government Service Insurance System (GSIS) ay hindi maipatupad sa lalong madaling panahon.

Ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC), sa isang pahayag na inilabas noong Huwebes, Mayo 19, ay nanawagan sa mga halal na mambabatas at maging sa presumptive president na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na bigyang pansin ang mga isyung nakapaligid sa pondo ng pension na pinapatakbo ng estado.

“Sa una, hihilingin namin sa Kongreso na amyendahan ang GSIS Law at gawing integral sa GSIS Board ang representasyon ng mga guro sa silid-aralan,” sabi ni TDC National Chairperson Basas.

Ipinaliwanag ni Basas na ang rank-and-file na mga guro at empleyado ng DepEd ay binubuo ng higit sa kalahati ng membership ng GSIS, gayunpaman wala silang representasyon sa pamamagitan ng kinatawan sa board ng ahensya.

Sa pagbanggit sa GSIS Law, sinabi ni Basas na ang DepEd ay maaaring salitang irepresenta ng mga pinuno ng Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) o ng Philippine Association of Schools Superintendents (PASS), ang parehong organisasyon ay karaniwang pinamumunuan ng mga opisyal ng DepEd mula nang maisabatas ito.

Bukod sa pagkakaroon ng mas maraming kinatawan ng Board, ang TDC ay naninindigan din para sa pag-aalis ng “hindi patas” na mga patakaran ng GSIS at higit pang pagpapalawak ng mga benepisyo tulad ng programang abot-kayang pabahay at pagpapababa ng edad ng pagreretiro ng mga guro at empleyado ng gobyerno — bukod sa iba pa.

Para sa TDC, kakailanganin ang pag-apruba ng mga sangay na ehekutibo at lehislatibo para sa mga repormang ito. Kung hindi aaksyunan, mas gugustuhin ng grupo na magkaroon ng kanilang “sariling insurance system” tulad ng sa militar at unipormadong tauhan.

“Better yet, we may altogether create a separate insurance system for teachers and staff of the entire public education system- including the education agencies and the government-run schools,” giit ni Basas. RNT