Sariling interpretasyon sa kapangyarihan ng Kamara sa pagtakda ng eleksyon, inihirit ng Comelec sa SC

Sariling interpretasyon sa kapangyarihan ng Kamara sa pagtakda ng eleksyon, inihirit ng Comelec sa SC

October 18, 2022 @ 4:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naniniwala ang Commission on Elections (Comelec) na panahon na para ang Korte Suprema ay magkaroon ng sariling interpretasyon sa kapangyarihan ng Kongreso na ilipat ang halalan dahil nahaharap sa legal na hamon ang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan polls (BSKE).

“It’s high time na magkaroon po ng interpretasyon sa Saligang Batas — sadya bang may kapangyarihan ang Kongreso na mag-postpone ng eleksyon… Maganda po na merong interpretasyon sa probisyon na ‘yan,” sabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia sa press briefing.

Tinutukoy ni Garcia ay ang petisyon ng beteranong election lawyer na si Romulo Macalintal sa SC na hinahamon ang constitutionality ng Republic Act No. 11935 na nagpapaliban sa barangay elections sa 2023.

Sa isang 27-pahinang petisyon, nangatuwiran si Macalintal na hindi maaaring ipagpaliban ng Kongreso ang halalan sa barangay o palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay. Maaari lamang nitong ayusin ang termino ng panunungkulan sa pamamagitan ng batas.

Sa paghahain ng petisyon ni Macalintal, sinabi ni Garcia na magandang welcome development ang ginawang hakbang ni Macalintal .

“From now on, kung sakaling magkakaroon ng definitive ruling po ang ating Korte Suprema, sa mga susunod pa na mga pangyayari kung magkaka-postpone o reset ang halalan, magiging basehan na po natin ‘yung magiging case na ito,” paliwanag pa ni Garcia.

Nauna nang sinabi ng Comelec na handa itong isagawa ang BSKE sa Disyembre sakaling maglabas ang SC ng status quo ante order pabor sa petisyon ni Macalintal. Jocelyn Tabangcura-Domenden