SARILING SALAT SA SUSO

SARILING SALAT SA SUSO

October 15, 2022 @ 1:53 AM 1 month ago


Batay sa isang pag-aaral na isinagawa, tatlo sa bawat isang daang Pilipina ang posibleng magkaroon ng breast cancer, at isa sa bawat tatlumpong may ganitong karamdaman ay mauuwi sa kamatayan bago sapitin ang edad 75.

Ang Breast Cancer o ang malignant breast neoplasm ay sakit na nagsisimula sa breast tissue, mas madalas mula sa milk ducts lobules. Ductal carcinomas ang tawag sa cancer na buhat sa ducts at Lobular carcinomas naman kung mula sa lobules. Isa itong karamdaman ng mga tao at mammals na mayoryang nagkakaroon ay mga babae ngunit puwede ding tamaan ang mga lalake.

Katulad din ng ibang kanser, buhat ito sa interaksyon ng kapaligiran at ng depektibong gene sa katawan ng tao.

Ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng breast cancer ay hindi pagkakaroon ng anak, hindi pagpapasuso sa mga sanggol, mataas na hormone levelsdietary iodine deficiency, labis na pag-inom ng nakalalasing na alak, at paninigarilyo.

Ito din ay hereditary o namamana. Malaki ang tsansang magkaroon nito kung isa o dalawa sa mga babaeng kamag-anak ay nagkaroon o mayroon nito. Gayundin, kung ang isa sa dalawang dibdib ay magkaroon, hahawaan nito ang isa pang suso.

Nanganganib din dito ang mga babaeng tumaba matapos ang menopausal period at mga obese.

Ang breast cancer ang siyang nangungunang sanhi ng kamatayan sa ngayon, dinaig nito ang lung cancer, na 15% ng lahat ng may karamdamang ganito, mapa-babae man o lalake. Ang Pilipinas ang may “highest standardized incidence rate” sa buong Asya, at mababa pa sa 40% ang nakakaligtas dito kumpara sa 80% hanggang 98% sa mga developed countries gaya ng United States.

Halos kalahating milyong tao sa buong mundo ang namamatay kada taon sanhi nito na 90% ay pawang kababaehan.   

Nakadepende sa klase ng tumubong tumor ang panggagamot dito. Puwedeng gamitin ang surgery, mga gamot na gaya ng tamoxifen, anastrozole, letrozole, trastuzumab, at maging ang simpleng aspirin, nariyan din ang hormonal therapy, chemotherapy, radiation at immunotherapy.

Inuuri ang kalagayan ng breast cancer batay sa TNM base sa laki ng Tumor, kung nakaabot o kumalat na sa lymp nodes, at kung ang tumor ay nasa bahaging metastasis na.

Stage 0 kung nag-uumpisa pa lamang. Stage 1 hanggang 3 kung nasa bahaging regional lympnodes, at Stage 4 kung kumalat na at nahihinog na.

Madali lamang malalaman kung may breast cancer ang isang babae, base sa kanyang gagawing obserbasyon sa kanyang suso. Tingnan kung mas lumaki ang isang suso sa kapares nito, kung may pagbabago sa hugis ng utong, kung namumula-mula at makati ang paligid ng utong o anumang bahagi ng suso, kung may lumalabas na likido mula sa utong na hindi naman gatas, may pagbabagong nagaganap sa kutis ng dibdib, kung may pamamaga malapit sa bahagi ng kilikili, pagkakaramdam ng sakit pabigla man o madalas, at pagkakapa ng bukol sa suso.

Ipinapayo rin ang pagsasagawa ng SSSS o ang “Sariling Salat Sa Suso”. Alinman sa mga sintomas na ito ang makita o maramdaman, agad komunsulta sa pinakamalapit na ospital o health center.