Cavite, Philippines – Natagpuan ng mga pulis ang pinaghihinalaang sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pamamaslang kay Trece Martires Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.
Ayon sa Philippine National Police Special Investigation Task Group Lubigan, narekober ang inabandona at sinubukan pang ihulog sa tulay ang kulay itim na Toyota Hilux sa Mabacao Pantihan Bridge sa barangay Tulay B. Maragondon Cavite kaninang alas-6:55 ng umaga.
Taga-PNP Maragondon daw mismo ang nakakita at nakakilala sa sasakyan na walang plaka at walang conduction sticker.
Matatandaang, inilarawan ang naturang sasakyan ng mga nakasaksi sa pamamaril kay Vice Mayor Lubigan sa bahagi ng Trece – Indang Road noong Hulyo 7.
Si Lubigan ang pangatlo sa tatlong lokal na opisyal na pinatay noong nakaraang linggo.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Tanauan Mayor Antonio Halili ng Batangas at Mayor Ferdinand Bote ng bayan ng General Tinio.
Pinaulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek sa labas ng isang Korean hospital sa Brgy. Luciano ang sasakyan ng bise alkalde na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Napag-alaman na isang araw bago tambangan si Lubigan ay inanunsiyo nito ang intensiyon na tumakbo sa pagka-mayor ng kanilang bayan sa susunod na election. (Remate NewsTeam)
Photo Courtesy: MARGIE BAUTISTA