Sasakyan na ginamit sa ambush sa Aparri vice mayor, natagpuang sunog ng PNP

Sasakyan na ginamit sa ambush sa Aparri vice mayor, natagpuang sunog ng PNP

February 20, 2023 @ 10:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Natagpuang sunog ang sasakyan na posibleng ginamit ng mga nanambang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima pa, sa Solano, Nueva Vizcaya, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.

“Kaninang madaling araw ay may nai-report po na nakitang sunog na white Mitsubishi diyan sa Barangay Uddiawan sa Solano, Nueva Vizcaya at tinitignan na maaaring ito yung ginamit na mga sasakyan po ng mga suspek,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

Sinusuri ng mga pulis ang registration number ng sasakyan para alamin kung sino ang may-ari nito, dagdag ni Fajardo.

Pinatay sina Alameda at lima pa nang tambangan ng gunmen ang van nito sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Linggo.

Kinilala ang iba pang biktima na sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng Starex van patungong Manila nang pagbabarilin sila ng humigit-kumulang anim na suspek, batay sa mga pulis. RNT/SA