Sasakyan ng mga suspek sa pananambang sa Aparri vice mayor, natagpuang sunog

Sasakyan ng mga suspek sa pananambang sa Aparri vice mayor, natagpuang sunog

February 20, 2023 @ 1:52 PM 4 weeks ago


NUEVA VIZCAYA – Pinaniniwalaang sinakyan ng mga suspek sa pananambang sa grupo ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda ang natagpuang sunog na sasakyan sa Uddiawan, Solano, Nueva Vizcaya.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan kung ang sunog na Mitsubishi Adventure na walang plate number ang ginamit ng mga suspek sa pananambang sa Baretbet, Bagabag sa grupo ni Alameda at lima pang kasamahan nito.

Ipinabatid ni Barangay Kapitan Jessie Delos Reyes ng Brgy Uddiawan ang nasusunog na isang unidentified na sasakyan sa Purok 3 malapit sa Uddiawan National High School.

Agad na rumesponde ang Solano PNP at Bureau of Fire Protection subalit sunog na sunog na rin ang sasakyan pagdating sa nasabing lugar.

Una rito, nakarinig umano ang mga residente ng sunod-sunod na putok ng baril.

Matatandaang Mitsubishi Adventure na kulay puti ang gamit ng mga suspek sa pananambang kay Alameda at limang kasamahan nito, at may nakalagay na red plate na SFN 713.

Sa ngayon ay sumisigaw ng hustisya ang mga pamilya’t kamag-anak ng mga biktima sa walang habas na pamamaslang.

Samantala, mariing kinondena ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang pamamaslang sa mga biktima lalo na kay Vice Mayor Alameda. Rey Velasco