Satellite-based technology sa internet connectivity, tututukan ni Gatchalian

Satellite-based technology sa internet connectivity, tututukan ni Gatchalian

February 18, 2022 @ 3:08 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Tutukan ni Senador Win Gatchalian ang pagsasabatas ng kanyang panukalang pagtatatag ng satellite-based internet technology sa bansa at pagpapalawak ng kapangyarihan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para matiyak ang pangkalahatang access sa internet.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2250 o ang panukalang Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021 dala na rin ng kakulangan ng broadband infrastructure sa bansa lalo na sa malalayong isla at bulubunduking lugar na may kaunting populasyon at limitadong access sa kuryente.

Kamakailan ay nagpahayag ng suporta ang DICT para sa pagtatatag ng satellite-based internet connectivity sa Pilipinas at ngayon ay nasa proseso na sila ng pakikipag-ugnayan sa ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine Space Agency (PhilSA) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) para sa pagsasagawa ng pilot testing.

“Wala nang maiiwan pagdating sa pagkakaroon ng access sa internet kahit na ang mga nasa malalayong lugar dahil mabibigyan na sila ng serbisyo sa pamamagitan ng satellite-based technologies,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, bibigyan ang DICT ng mandato na tukuyin ang mga lugar na hindi sineserbisyuhan ng traditional broadband network operators.

Bibigyan din ng kapangyarihan ang DICT na maglabas ng mga alituntunin at regulasyon sa pagbuo, paggamit at pagpapanatili ng teknolohiyang nakabatay sa satellite at magsagawa ng regulasyon at administratibong hurisdiksyon sa mga internet service providers (ISPs) at mga patakaran na may kinalaman sa satellite technology.

Ang ilan sa mga kapangyarihan ng National Telecommunications Commission (NTC) ay ililipat sa DICT para mapabilis ang pagproseso ng mga permit ng lokal o dayuhang nagmamay-ari ng mga ISP.

“Ang pagkakaroon ng koneksyon sa internet ay makakatulong sa itinataguyod ng gobyerno na digital transformation. Mapapahusay din ang paghahatid ng mga serbisyo ng gobyerno kahit na sa mga nasa malalayong lugar. Masusuportahan din ang online learning at magiging mas produktibo pa ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa kanayunan,” ani Gatchalian. Ernie Reyes