Satur Ocampo, at tatlo pa hindi terorista -Manila RTC

Satur Ocampo, at tatlo pa hindi terorista -Manila RTC

August 8, 2018 @ 7:37 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Napatunayan ng korte na hindi kasapi ng terorista sina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, NDFP consultant Rafael Baylosis, UN Special Rapporteur Victoria Tauli-Corpuz, at Jose Melencio Molintas.

Dahil dito, ipinatatanggal na ni Manila RTC Presiding Judge Marlon Magdoza-Malagar ng Branch 19  sa Department of Justice ang kanilang pangalan sa petisyong idinedeklarang sila ay  terrorist group CPP-NPA.

Bukod dito, kinansela na rin ng korte ang summon na inisyu kay Ocampo at Baylosis matapos na mapatunayang hindi sila bahagi ng teroristang grupo.

Ayon sa korte, wala ring sapat na basehan ang affidavit laban sa mga ito na pawang mga haka-haka lamang na  may posisyon  ang apat sa  Central Committee, Political Bureau at  Executive Committee ng CPP.

Nakasaad din sa resolusyon na mahirap patunayang may katungkulan  sina Ocampo, Baylosis, Tauli-Corpuz, at  Molintas sa grupong CPP-NPA.

Gayunman, ibinasura ni Judge Malagar ang motion nina Ocampo at Baylosis na idismis ang nasabing petisyon at sa halip ay idirekta  ang summon sa CPP-NPA. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)