Sayang na sayang lang…

Sayang na sayang lang…

August 6, 2018 @ 6:33 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Kamakailan lang ay muling pinadurog ni Pangulong Digong ang ilang smuggled sports car at iba pang mamahalin luxury cars sa Port Irene, Cagayan Economic Zone Authority, Sta. Ana, Cagayan. Consistent naman siya sa pagpapatupad ng anti-corruption campaign sa ilalim ng kanyang administras­yon.

Pangalawang beses nang sinaksihan ni President Rodrigo Duterte ang pagpitpit ng bulldozer at backhoe sa magagarang sasakyang ito. Una noong March 2018 na umabot sa P27 milyon ang halaga at kinabibilangan ng 2004 Maserati na P7 milyon, 2004 Mercedez Benz sports car – P5M; 2003 BMW – P2.5M at 2004 Porsche – P2M. Sa isang iglap lang nagmistulang pinitpit na lata ang mga magagarang sasakyan.

Nitong July 28, 2018, mu­ling sinaksihan ni Pres. Digong ang pagdurog sa mga mamahaling sasakyan. Nakakapanghinayang panoorin na ginugulungan ng bulldozer ang mga Lamborghini, Porsche, Mercedez Benz, BMW at Sedan. Kasama rin sa dinurog ang walong Harley Davidson kahit na nanghihinayang ang Pangulo (dahil mahilig siya sa motorsiklo), ang Chopper at Triump. Aabot daw sa P300 milyon ang kabuuang halaga.

Habang napapanood na­min sa bahay ang balitang ito, napukaw ang atensyon ko sa reaksyon at comment ng 12 yr old kong anak na mahilig sa kotse. Sabi niya, “ Mom why don’t they just return the cars to the seller, and refund the money (bakit hindi na lang ibalik sa binilhan ang mga sasak­yan at i-refund ang perang ipi­nambayad)? “It’s a waste of money” (sayang naman). Sa­got ko, “Hindi pwede anak, kasi sa ibang bansa pa galing ang mga sasakyan na ‘yan. ‘Di na pwedeng ibalik at irefund.”  Sagot naman ni Kuya, “Eh ‘di ibenta na lang uli para may pera ang Pilipinas para may pampagawa na ng ba­gong classrooms sa public schools.” Tinapos ni bunso ang usapan sa “if I only have the money, mom, I’m going to buy the Maserati or the Lamborghini” (kung may pera lang ako mommy, bibilhin ko ‘yung Maserati o Lamborghini).

Come to think of it. Tama po ang pananaw ng anak ko. Nakapanghihinayang nga naman na winasak at dinurog lang ang mga sasakyang iyon. Pwede pa nga namang ga­wing pera ang mga sasakyang iyon para may pandagdag pondo sa government projects natin.

Pero ayon kay Digong, sa halip na durugin din ang ilan pang natitirang Hummer at vans, ipamimigay na lang nila ito sa Philippine National Police at Arm Forces of the Philippines.

Bongga ang ating mga kapulisan at kasundaluhan, magkakaroon sila ng Hummer. Lalo na silang sisipagin at magiging inspired sa kanilang mga tungkulin. Kayang-kaya ng ha­bulin ang mga kriminal. Kaya lang pamahal nang pamahal naman ang gasolina natin. Paano ba ‘yan?

-ALIN ANG NAIBA NI ALIN FERRER