SAYANG SI DATING ES  ATTY. VIC RODRIGUEZ

SAYANG SI DATING ES  ATTY. VIC RODRIGUEZ

October 7, 2022 @ 4:26 PM 2 months ago


MARAMI ang naghihinayang sa biglaang pag-resign ni dating Executive Secretary Atty.Victor Rodriguez kung saan ginawang dahilan ang pagtutok nito sa sariling pamilya.

Kung sabagay, unawa ng sambayanan ang saloobin ni Rodriguez bunsod sa mula pa noong 2016 na naging abogado siya ni PBBM sa election protest nito laban kay dating VP Leni Robredo, walang tigil na ang trabaho ng respetado at kilalang de-kampanilyang abogado sa pamilya ng Pangulo.

Sabi nga ng pumalit kay Atty.Vic na si ES Lucas Bersamin,marapat na respetuhin ang naging desisyon ng una dahil karapatan niya ito bilang isang pribadong indibidwal ngayon na may pamilyang kailangan asikasuhin.

Sa totoo lang, masalimuot at kritikal ang papel ni dating ES sa kampanya ni PBBM kung saan pinaniniwalaang siya ang isa sa gumawa ng iba’t-ibang stratehiyang naging epektibo upang masungkit ni Pangulong Marcos ang renda ng Malakanyang.

Ang angking kagalingan at katalinuhan ng abogadong ito ay nagamit noong kasagsagan ng kampanya upang harapin at sagutin ng mahusay ang naglalakihang isyu na ibinabato kay PBBM mula sa kanyang mga kritikong walang sawang inaalipusta maging ang pamilya ng Presidente.

Ayon sa ilang insiders sa Malakanyang, hindi kinaya ng dating sanggang-dikit kay PBBM ang pilit na ipinupukol na mga isyung wala namang katotohanang pawang black propaganda lang na inumang ng mga kalaban ni Atty.Vic.

Subalit marami pa rin ang naniniwalang malinis ang pagkatao ng dating opisyal na ang tunay na hangarin ay tulungan si PBBM sa adhikain nitong ibangon ang bansa mula sa lugmok na kalagayan.

Ano nga ba ang magagawa ng isang  tulad ni Rodriguez na ang hangarin lang naman ay ipatupad ang pangako ng kasalukuyang administrasyon na isang bagong gobyernong mag-aangat sa buhay ng bawat isa laban sa ilang may maitim na budhing opisyal na kadalasan ang iniisip ay kung paano magpayaman ng husto sa pamamagitan ng poder?