SAYAWAN AT PYESTAHAN

SAYAWAN AT PYESTAHAN

January 16, 2023 @ 10:25 AM 2 weeks ago


TININGNAN ko ang kalendaryo at iskedyul ng mga biyahe at imbitasyon ng mga kaibigan ko sa Visayas, at sunod-sunod nga ang mga engrandeng pyestahan o “festivals”.

Kahapon lang, Jan. 15 magkasabay na dinaos ang Sinulog sa Cebu at ang Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan. Sa Jan. 22 naman ay ang Dinagyang Festival sa Iloilo City. Taas-noong ipinagmamalaki ng mga kababayan natin ang mga ito. Meron pa ngang mga espesyal na titulo ang bawat selebrasyon.

“Mother of All Philippine Festivals” ang Ati-Atihan dahil sya ang pinaka-una, na ayon sa kasaysayan ay noon pang 17th Century sinimulan. Bahagi ito ng mga fiesta para palawakin ang Katolisismo sa isla ng Panay. “Sadsad” ang tawag sa parada, dahil kinakaladkad ang paa habang nagsasayaw.

Kasabay ng Ati-Atihan ang Sinulog Festival sa Cebu, na tinawag naman “Grandest of All Philippine Festivals”. 1980 ginawa ang unang parada at galing naman sa salitang Cebuano na “sulog”, ang ibig sabihin ay “galaw parang agos ng tubig”.

Ang sayaw ng Sinulog ay dalawang hakbang pasulong at isang hakbang pabalik. Ang street parade ng Sinulog ay karaniwang dinadagsa ng milyong mga bisita.

Sa Iloilo naman ang Dinagyang Festival at tituladong “Queen of All Philippine Festivals”. Galing sa salitang Hiligayno, ibig sabihin ng “dagyang” ay magsaya. At kitang-kita ito sa street dancing competitions na pinaka-highlight ng pyesta.

Kilala sa buong mundo ang makulay na sayawan na kinukumpara pa sa “Mardi Gras” ng Rio de Janeiro sa Brazil.

Meron ding katulad na selebrasyon sa mga karatig na lugar. “Halaran Festival” sa Capiz at ang “Binarayan Festival” ng Antique.

Mahalagang maintindihan natin na ang ugat ng mga selebrasyong ito ay pag-gunita sa malalim at mataimtim ng pagkarelihiyoso ng mga sinaunang Pilipino. Bagama’t lahat ng mga pyestang ito ay galing sa kultura at katauhan ng mga katutubong Ati ng Panay, halos walang kinalaman at wala ring benepisyong nakukuha ang mga Ati sa mga kaganapang ito.

Sana nga ay maging tulay ang mga selebrasyng ito para mas gumanda at bumuti ang buhay ng mga Pilipino sa pag-unlad ng turismo at kalakalan sa ating pamimiyesta.