SB lane ng Roxas Blvd sarado mula Enero 15

SB lane ng Roxas Blvd sarado mula Enero 15

January 12, 2022 @ 6:36 PM 7 months ago


Manila, Philippines — Isasara ang southbound lane ng Roxas Boulevard sa mga motorista simula Enero 15.

Ito ay upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng drainage, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Gusto ko hong i-anunsyo na isasara na po ang Roxas Boulevard (I want to announce that Roxas Boulevard will be closed)… This is to give enough time for the motorists to be forward and we will also lay down all of the other reroutes na directions na aming ibibigay po ngayon (today),” ani MMDA chairman Benhur Abalos sa virtual press conference.

Sinabi naman ni MMDA director for traffic Neomie Recio na magsasara ito sa loob ng dalawang buwan.

“‘Yung uunahin kasing isara is ‘yung southbound muna. So, ang duration nga niyan… ginawa na lang nilang two months, ‘yun ay para sa southbound,” ani Recio.

“Parang pinag-uusapan namin is ala-sais ng umaga ng Sabado kasi delikado kasing magsara ng midnight. Baka may maaksidente tayo, gabi. Alanganin, hindi sanay pa ‘yung tao. So, dapat ‘pag maliwanag na, saka pa lang tayo magkaroon ng zipper lane. So, ang pagsasara natin is Sabado, ala-sais ng umaga.”

Pagkatapos nito, northbound lane naman ang isasara.

Inabisuhan naman ang mga motorista na daanan ang mga sumusunod na alternatibong ruta:

– Mula Bonifacio Drive/Roxas Boulevard, dumaan sa Roxas Boulevard – Buendia Avenue service road, kumanan sa Buendia Avenue Extension at kumaliwa sa Diosdado Macapagal Boulevard papuntang destinasyon.

– Mula Bonifacio Drive/Roxas Boulevard kumanan sa H.K. Sun Plaza access road at kumaliwa sa Diosdado Macapagal Boulevard papuntang destinasyon.

-From Bonifacio Drive/Roxas Boulevard, left at President Quirino Avenue to destination

Samantala, ang mga mabibigat na sa sasakyan ay pinadadaan sa ibang ruta.

Maaari itong kumaliwa sa P. Burgos Avenue, dumiretso sa Finance Road and Ayala Boulevard, kumanan sa San Marcelino Street, at dumaan sa P. Quirino Avenue patungong South Luzon Expressway at sa pupuntahan nito.

Nanawagan naman si Abalos ng pang-unawa sa publiko.

 “Humihingi po kami ng pang-unawa sa publiko ukol dito dahil kailangan talagang i-repair ito… Dito dumadaan ang mga tubig na galing sa Pasay papuntang Manila Bay, sa ilalim po nito.” RNT/FGDC