Manila, Philippines – Wala pang listahan ang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) sa posibleng papalit sa 10 players ng Gilas Pilipinas na sinuspinde dahil sa naganap na FIBrawl ng Asian Qualifiers sa Bulacan nitong July 2.
Sa naganap na press conference kanina (July 18), sinabi ni SBP President Al Panlilio na tanggap nila ang naging hatol ng International Basketball Federation (FIBA).
Dagdag pa nito, naging patas naman ang desisyon nila sa dalawang koponan.
Ayon pa kay Panlilio, ang ipapataw na suspensiyon ay para lang sa 2019 Asian Qualifiers at hindi nito maaapektuhan ang PBA games.
Samantala, bukod sa mga papalit na player ay hahanap din sila ng pansamantalang papalit kay Head coach Chot Reyes lalo na’t nalalapit na rin ang qualifiers laban sa Iran. (Remate News Team)