SC body cam rule, bubusisiin ng PNP working group – Eleazar

SC body cam rule, bubusisiin ng PNP working group – Eleazar

July 11, 2021 @ 3:40 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Bago gamitin ng kapulisan ang body-worn cameras, inianunsyo ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar, Linggo, na gagawa muna sila ng technical working group.

Ang TWG ay aatasan na irebyu ang kamakailan lang na inaprubahang alituntunin ng Korte Suprema para sa mandatoryong paggamit ng body cam sa mga operasyon ng pulisya. Sa ngayon nasa 2,696 units ng kamera na ang naipamahagi sa 171 police stations at mga opisina

“Nag-create kami ng technical working group para po himay-himayin, pag-aralan at tapatan ng mga corresponding guidelines, magkaroon ng information dissemination para mapatupad nito. Bago ito kaya may adjustments tayong gagawin,” ani Eleazar sa interbyu sa dzBB.

Sa nasabing resolusyon ng SC iniaatas na dapat sapilitan ang pagsusuot ng law officers ng body cam pagdating sa pagsisilbi ng warrant of arrest at sa search warrant.

Nakasaad din dito, ayon pa kay Eleazar ang paggamit ng alternatibong recording device tulad ng selpon pang-rekord sa police operation. Giit ni Eleazar, matutulungan nito ang kapulisan lalo na’t kulang pa ang kagamitan ng ahensya.

Siniguro rin naman ng hepe ng kapulisan na walang mangyayaring pagdodoktor sa ebidensya.

“Hindi naman basta basta puwede maka-access sa data dahil ito ay kino-consider na private… ‘Yung data puwede maging public na puwede pagbasehan sa pag-iimbestiga. Siyempre ebidensya rin ‘yun or in support to the evidence to be submitted sa korte sa mga kasong ipa-file sa pulis,” ayon pa kay Eleazar. RNT