SC: VAWC pwedeng gamitin ng mga ama vs abusadong nanay

SC: VAWC pwedeng gamitin ng mga ama vs abusadong nanay

February 9, 2023 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Idineklara ng Supreme Court na maaring humingi ng protection at custody orders ang mga ama laban sa ina ng kanilang anak na lumabag R.A 9262 o Violence Against Women and Children Act (VAWC Law).

Sa makasaysayang desisyon, iginiit ng SC en banc na ang mga nanay na umaabuso sa kanilang anak ay maituturing na offenders sa ilalim ng Anti- Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act at maaring magpasaklolo ang ama gamit ang naturang batas sa ngalan ng anak.

Nilinaw ng Supreme Court na bagama’t hindi sakop ng batas ang mga ama, hindi nangangahulugan na hindi ito maaring gamitin ng lalaki laban sa asawa na nagkasala.

“While the VAWC Act excludes men as victims, this does not mean the law denies a father of its remedies solely because of his gender or the fact that he is not a ‘woman victim of violence.’ The Court held that Section 9(b) of the VAWC Act explicitly allows ‘parents or guardians of the offended party’ to file a petition for protection orders,” nakasaad sa 18 pahinang desisyon ng SC.

Iginiit ng korte na saklaw sa VAWC Act ang mga sitwasyon na ang mismong ina ang nakagawa ng karahasan at pang-aabuso sa anak.

“The fact that a social legislation affords special protection to a particular sector does not automatically suggest that its members are excluded from violating such law,” ayon sa desisyon.

Binigyan-diin ng Korte Suprema na hindi kailanman ito magiging instrumento ng kawalan ng hustisya at kalokohan para sa mga gumagawa ng pagkakasala sa mahihinang sektor gaya ng mga bata. Teresa Tavares