Scalawag timbog sa droga

Scalawag timbog sa droga

September 22, 2022 @ 4:47 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Dinakip ng mga miyembro ng anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) ang isang dismissed police officer na wanted sa kaso ng droga sa Quezon City.

Sa isang pahayag ngayong araw ng Huwebes, sinabi ni Brig. Gen. Warren De Leon, hepe ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), na ang kanilang inaresto ay kinilala na si Harold Campos, isang dating staff sergeant.

Hinuli si Campos ng National Capital Region Field Unit ng IMEG sa isang operasyon sa Barangay Roxas District Martes ng gabi.

Aniya, ang pagkakaaresto sa suspek ay batay sa impormasyong ibinigay ng komunidad hinggil sa presensya ni Campos sa lugar.

Ang suspek ay may standing arrest warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 84 dahil sa paglabag sa Republic Act 6425 (Dangerous Drugs Act of 1972) na may inirekomendang piyansang PHP60,000.

Sinabi ni De Leon na kilala si Campos sa kanilang lokalidad dahil sa pagkakasangkot nito sa iba’t-ibang ilegal na aktibidad tulad ng droga at paglabag sa mga lokal na ordinansa.
Nasa PNP IMEG headquarters sa Camp Crame, Quezon City ang dating pulis. Jan Sinocruz