Scalper ng tickets ng PBA Finals tiklo

Scalper ng tickets ng PBA Finals tiklo

January 11, 2023 @ 9:49 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ng Quezon City Police District ang tatlong scalper sa pagbebenta ng sobrang mahal na ticket ng PBA Finals Game 6.

Mismong ang Philippine Basketball Association (PBA) ang humingi ng tulong sa pulisya upang hulihin ang mga nagkalat na scalper online at maging sa bisinidad ng Araneta Coliseum.

Ani PBA Commissioner Willie Marcial, napag-alaman nila na ibinebenta ng lima hanggang 10 beses na mas mahal ang ticket kumpara sa orihinal na presyo nito.

Inihalimbawa ni Marcial na ang upper box seat na nagkakahalaga lamang ng P230 ay ibinebenta ng P500 hanggang P1,000 habang ang patron C seat ticket na P650 ang presyo ay ibinibenta ng mga scalper nang hanggang P2,800.

Dahil dito ay agad na nagkasa ng entrapment operation ang QCPD kung saan nagpanggap na buyer ang isa sa kanilang mga operatiba at agad na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong scalper.

Nakuha mula sa kanila ang 50 piraso ng ticket para sa Game 6.

Kakasuhan ang tatlong nahuli sa kasong paglabag sa City Ordinance SP-2744 o Anti-Scalping na may multang P5,000. RNT/JGC