Scammer doble-kayod sa papalapit na SIM registration deadline – PNP

Scammer doble-kayod sa papalapit na SIM registration deadline – PNP

February 13, 2023 @ 4:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Doble-kayod na ang mga scammer upang makapambiktima habang papalapit ang deadline sa pagpaparehistro ng
Subscriber Identity Module (SIM) cards.

Ito ang pahayag ni Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (ACG) director Police Brigadier General Joel Doria sa press conference nitong Lunes, Pebrero 13 kung saan alam umano ng mga scammer na madali na silang mahuhuli sa oras na tuluyan nang maipatupad ang SIM registration.

“Napapansin natin nagdo-double time din ang mga scammer considering na alam naman natin na doon sa registration natin ngayon is talagang minamadali na,” aniya.

Kasabay nito, hinimok naman ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang mga nagbebenta ng SIM card na ilista ang pangalan ng mga bumibili nito, kasabay ng pag-check sa kanilang mga ID.

“Para ire-report din nila sa Globe or Smart,” sinabi naman ni Azurin.

Hanggang nitong Pebrero 5, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na mayroon nang 28,000,000 SIM cards ang naiparehistro.

Dagdag dito, sinabi ni Uy na nasa 150,000,000 SIM cards naman ang inisyu ng telecommunications companies.

Sa kabila nito, nilinaw niya na posibleng may mga scammer kasi na bumibili ng prepaid SIM cards na ginagamit lamang ng isang beses at itinatapon pagkatapos gamitin.

Matatandaan na sinimulan ang SIM Card Registration noong Disyembre 27 makaraang pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre ang batas para rito. RNT/JGC